Isang health expert ang nagpaalala sa mga Pilipino sa kahalagahan pa rin ng paggamit ng face mask sa gitna ng patuloy na banta ng Covid-19.
Ang face mask ay nagsisilbing mahalagang alas sa pagpigil sa pagkalat ng Covid-19 virus, sabi ni Dr. Rontgene Solante, pinuno ng Adult Infectious Diseases and Tropical Medicine unit sa San Lazaro Hospital sa Maynila.
“Well, ang mask mandate malaking bagay sa pagkontrol sa pandemic, especially for most of us. At naranasan natin iyan na mabilis nating nakontrol ang Omicron because of the way we wear the face mask,” aniya sa naganap na press briefing, Miyerkules.
Nang tanungin kung maaari bang bawiin ang direktiba ng pagsusuot ng face mask ani Solante, “sa tingin ko, medyo mahaba-haba pa iyan.”
“Let’s see in the next two to three months [at] kung talagang tuluy-tuloy na ang pagbaba ng kaso, like less than 200, [ay] most likely baka hindi na natin kailangan ang face mask,” dagdag niya.
Noong Martes, Mayo 10, sinabi ng Department of Health (DOH) na nakapagtala ito ng 1,115 bagong kaso mula Mayo 3 hanggang 9. Ang average na bilang ng mga bagong kaso araw-araw ay nasa 159, dagdag nito.
Analou de Vera