Nilinaw ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner George Garcia nitong Miyerkules na ang mga balotang makikitang sinisira ng mga pulis sa isang viral video, ay pawang mock ballots lamang o mga balotang ginamit sa pagsasanay ng mga botante.
Nauna rito, kumalat ang isang video kung saan makikita ang dalawang unipormadong pulis na pinupunit ang ilang shaded ballots.
“Huwaaay? @Comelec, please explain,” tweet pa ng isang @juliusangelo na isa sa mga nagpaskil ng naturang video sa kanilang Twitter page.
Inihayag din nito na ang mga naturang balota ay pinaiwan na lamang umano dahil sa brownout.
Gayunman, mariin naman itong pinabulaanan ng Comelec.
“‘Yan po ay dine-deny natin na walang ganyan. ‘Yan po ay fake news,” ani Garcia, sa isang panayam sa telebisyon.
Ipinaliwanag nito na ang mga naturang balotang makikitang sinisira sa video ay pawang mock ballots lamang na ginamit ng poll body sa pagsasanay ng mga botante.
“Pero tingnan niyo po ‘yung video. ‘Yun pong balotang pinakita — napakalabo pa — may pinakita, may mga posisyon, may mga shade pero lumayo ‘yung camera. Habang nakalayo siya tapos pinupunit, tingnan niyo po, blangko ‘yung balota,” aniya pa.
“’Yun po ay mga fake na balota na pupwede pong ginamit ‘yan para doon sa mga nagte-train. Tine-train ‘yung mga botante nila kung pa’no mag-shade,” aniya pa.
Matatandaang bago ang halalan ay inanunsiyo ng Comelec na sisirain na nila ang mga balotang depektibo, katulad ng pagkakaroon ng dumi o lukot at mali ang pagka-imprenta, gayundin ang mga ginamit sa training para sa mga botante at testing sa vote counting machines (VCMs) na ginamit noong May 9 elections.