Hinikayat na niNational Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr. si Vice President Leni Robredo na mag-concede na sa katatapos na 2022 national elections.

“Dapat mag-concede na lang siya and find a way to serve the nation in many ways. She must now put herself as the leader of the opposition and contribute to nation-building," sabi ni Esperon sa panayam sa telebisyon.

Sa ngayon, apat pa lamang na kumandidato sa pagka-pangulo ang tumanggap ng kanilang pagkatalo sa nakaraang eleksyon. Kabilang sa mga ito sina Emmanuel "Manny" Pacquiao, Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, at Ka Leody de Guzman.

Nitong Miyerkules ng hapon, umabot na sa 31 milyon ang naging boto ni Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. kumpara kay Robredo na nakakuha ng mahigit sa 16 milyong boto.

Nangunguna naman sa vice presidential race ang katambal ni Marcos na si Sara Duterte-Carpio na nakakuha ng mahigit sa 31 milyong boto.

Nitong Martes ng madaling araw, kinumbinsi ni Robredo ang mga tagasuporta nito na kumalma lang kasabay ng pagpapasalamat sa naging kontribusyon ng mga ito sa kanyang kampanya.

Idinahilan naman ni Esperon, dapat na igalang ng mga kritiko ni Marcos ang resulta ng eleksyon at sundin na lamang ang kagustuhan ng taumbayan.