Posible umanong magkaroon ng panibagong coronavirus disease 2019 (Covid-19) cases surge isa o dalawang linggo matapos ang May 9 national elections.
Ito ang babala ni infectious disease specialist Dr. Rontgene Solante sa isang television interview nitong Miyerkules.
"So 'yong from the exposure to the first symptoms, usually an average of 5 days. So kung halimbawa, mataas ang exposure noong May 9, magbilang tayo ng mga 5 to 7 days, so magre-reflect 'yan, most likely next week.In fact, mayroon na tayong nakita ngayon na may mild symptoms lang naman and they are positive," lahad ni Solante.
Aniya, dahil sa aberyang naranasan sa ilang vote-counting machine, hindi maiwasan na maipon ang mga botante sa iisang lugar. Ang ilan pa sa mga botante ay nagtanggalpa ng face mask dahil sa init ng panahon.
Gayunman, umaasa si Solante na hindi magiging mataas ang bilang ng mgamagkakasakitdahil sa bakuna at boosters na sinang-ayunan naman ni University of the Philippines Pandemic Response Team member Jomar Rabajante.
"Posibleng mga small spike lang. Sort of sign siya ng pagiging endemic in the sense that nandiyan siya, kung magkakaroon ng kaunting spike, hindi naman gano'n kalalaki," ani Rabajante.
Sa ngayon, wala pa ring naitatalang kasong tinamaan ng iba pang sublineage ng Omicron variant maging ng tinatawag na recombinants. Ang mga ito kasi ang nakikitang sanhi ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa ibang bansa.
Paliwanag naman ng Department of Health (DOH), malinaw na ang pandemya pa rin ang isa sa mga matinding kakaharapin ng susunod na administrasyon.
"We will be presenting to the next president kung ano ang kailangan pang gawin moving forward from this pandemic. This transition phase in going to the new normal, 'yong istratehiyang ginagawa natin sa ngayon ang ibibigay sa kanya," sabi naman ni DOH Spokesperson Maria Rosario Vergeire.
Kamakailan, nagbabala ang mga health expert sa posibilidad ng muling pagsirit ng mga kaso Covid-19 bunsod ng super-spreader events, katulad ng kaliwa't kanang campaign rally at kumpulan ng mga tao sa mga presinto.