Muling nagpasalamat si Vice President Leni Robredo sa mga tagasuporta niyang taos puso siyang sinuportahan sa hanay ng kaniyang kampanya.

"Muli, nagpapasalamat ako sa sipag, pagkamalikhain, at pusong dinala ng ating hanay sa kampanya. Dahil sa inyo, nasilip natin ang uri ng lipunang kaya nating maabot," saad ni Robredo kaniyang Twitter nitong Martes, Mayo 10.

"Alam kong pinoproseso pa ninyo ang mga pangyayari kahapon," dagdag pa niya.

Sinabi rin niya na nakikipag-coordinate na sila sa mga eksperto upang maaral ang mga alegasyon sa 'diumano'y nangyayaring dayaan.

"Mulat ako sa mga tanong na nananatiling nakalimbitin sa situwasyon. Sinisimulan na namin ang pagkausap sa mga eksperto upang maaral nang husto ang mga ulat at alegasyon na nababasa natin sa social media. Agad naming ibabahagi ang anumang resulta ng pag-aaral," ani Robredo.

Ibinahagi rin niya na dadalo siya sa isang misa na gaganapin sa Naga Metropolitan Cathedral mamayang 5:30 ng hapon. Ang magsasagawa ng misa ay si Archbishop Rolando Tirona para sa pamilya at mga tagasuporta ni Robredo.

Inanunsyo rin niya na magkakaroon siya ng pagtitipon sa Maynila sa Biyernes, Mayo 13 ngunit wala siyang binanggit na iba pang detalye.

"Sa ika-13 ng Mayo, magkakaroon ng pagtitipon sa Maynila upang magpasalamat sa ating mga volunteers. Dadalo rin ako doon. Maglalabas kami ng mga detayle tungkol sa pagtitipon," aniya.

"Dalangin ko ang kapanatagan ng loob at linaw ng kinabukasan para sa ating lahat," dagdag pa niya.

Kasalukuyang nasa ikalawang puwesto siya sa partial at unofficial results sa presidential race. Nangunguna pa rin si Bongbong Marcos.