Sa isang press conference, nagpahayag ng pasasalamat si Bise Presidente Leni Robredo sa kanyang taga-suporta, mula kampanya hanggang eleksyon.

"Hayaan nyo akong magpasalamat sa lahat ng bumoto, sa lahat ng nangumbinsi sakanilang mga pamilya, kaibigan kakilala, kahit na di mga kakilala sa ibat-ibang paraan," pahayag ni Robredo.

Kinilala rin ni Robredo ang nararamdamang pagkadismaya ng publiko mula sa proseso ng halalan hanggang resulta ng quick count.

Aniya, "Alam kong hindi madali tanggapin sa inyo ang mga numerong lumalabas sa quick count. Hindi lang panghihinayang kundi malinaw na pagkadismaya ang nararamdaman ng ating hanay. Mulat din ako. Ang pagkadismaya ring ito, maaaring kumulo lalo pa dahil may naiulat na irregularities sa halalan na ito."

Hinikayat ng bise ang kanyang supporters na balikan ang pinagdaanan nila ng mga nakaraang buwan.

"Noon pa man, alam natin kung gaano kahirap ang laban na kakaharapin natin. Nagsimula tayo sa halos wala pero unti-unti, dumating ang nag-aambagan. Dumami nang dumami ang nagbabayanihan. Dinapuan kayo ng inspirasyon at lumikha ng sining," pahayag ng bise.

Hinamon naman niya ang taga-suporta na higitan pa ang kanyang makakaya.

"Ginawa ko ang lahat ng makakaya. Lagpasan ninyo ito kung saan ay higit pa. Walang dadaig sa kapayapaang dala ng katotohanang ito."

Ani Robredo, ang kanilang kampanya ay kampanyang hindi pa nasasaksihan ng kasaysayan — kampanyang pinamumunuan ng taumbayan.

Pinangako naman ni Robredo na ipagpapatuloy niya ang kanyang pinaglalaban — ang iangat ang buhay ng mga nasa laylayan.

"Huwag bibitaw. Patuloy na tumindig. Igiit ang katotohanan," saad ni Robredo.

"Kayo ang namumuno. Sumusunod lang ako. Huwag mapagod. Bukas at magpakailanman, magkakasama ang mga Pilipino."