Aminado si senatorial candidate Robin Padilla na maski siya ay nagugulat na nangunguna siya ngayon sa karera ng pagkasenador, batay sa partial at unofficial results ng mga boto na lumabas nitong Mayo 9 ng gabi.
Aniya sa panayam ni GMA news anchor Jessica Soho, sa palagay niya ay hindi siya naluklok dahil sa popularidad kundi dahil sa mga inilatag na plataporma, gaya ng federalismo.
“Kapag hindi nagbago yung trend at ako ay nanatili sa pagiging number one, isa lang po ang ibig sabihin non. Ang tao gusto na talaga ng federalism at 'yan po ang napakalaking hamon sa lahat po ng mga senador na mananalo po magmula sa akin,” saad ni Padilla.
Ang federalismo ay "mixed or compound mode of government that combines a general government with regional governments in a single political system, dividing the powers between the two."
“Ang naging number one po dito ay yung kagustuhan ng taumbayan na palitan na po natin ang Saligang Batas, 'yun po ang aking pinaniniwalaan. Yun po ang gusto ng taong-bayan. Hindi po ako, ang gusto po nila ay yung plataporma na ibigay ang kapangyarihan sa mga lalawigan,” dagdag pa niya.
Pinasalamatan ni Robin ang lahat ng mga tagasuporta niya, na bagama't wala raw siyang pera o makinarya ay naniwala pa rin sa kaniya.