Nagpasalamat si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa kaniyang pamilya maging sa mga tagasuporta, volunteers at mga Pilipinong bumoto sa kaniya.
“Nanalo po ang Pilipino. Naipakita natin sa mundo na ang demokrasya sa ating bansa ay nananatili at nagtagumpay ang ating mga kababayan na makapamili ng bagong lider... Congratulations at ang ating lahat na naging generally peaceful," saad ni Domagoso nitong Martes, Mayo 10 sa kaniyang Facebook live.
Pinasalamatan din niya ang kaniyang pamilya, mga supporters, volunteers, at mga kababayang bumoto sa kaniya.
Binati na rin ng alkalde si dating Senador Bongbong Marcos na siyang naging kalaban niya sa pagka-pangulo.
"Mayroon na pong pinili ang bawat Pilipino. Sa kasalukuyan po, nais kong batiin si dating Sen. Ferdinand Marcos sa kaniyang pangunguna at patuloy na pangunguna and I hope it can be official soon at matapos na at mapanatag na ang lahat," ani Domagoso.
"Binabati ko ang pamilya ni dating Senador Ferdinand Marcos sa pagpili sa kaniya ng higit na nakararami sa ating mga kababayan na magiging hahalinhin bilang pangulo ng ating bansa. Congratulations po sa inyo," dagdag pa niya.
Nanawagan si Domagoso sa mga Pilipino, sabi niya na hindi magtatagumpay ang susunod na administrasyon kung patuloy ang sama ng loob. Aniya, kailangan umano magkaisa at tulungan ito.
"Sa ating mga kababayan, hindi po magtatagumpay ang susunod na administrasyon kung patuloy ang hinagpis, kalungkutan o maaaring baka mayroon pa tayong sama ng loob," anang alkalde.
"Kailangan nating magkaisa at tulungan ang bagong pinili ng ating mga kababayan. Kailangan nating matagumpay pare-pareho," panawagan ni Domagoso sa kaniyang mga supporters at mga Pilipinong bumoto sa kaniya.
"Hindi po magtatagumpay si President-elect Ferdinand Marcos Jr. at Vice president elect Sara Duterte at mga senador na napili at mga kongresista kung tayong mga mamamayan ay hindi makikiisa. Yung pagboto natin ay isang bagay lamang. Salamat sa Diyos may demokrasya pa rin sa bansa," dagdag pa niya.
"Pero tayong mamamayan ay may responsibilidad na suportahan, tumulong at makiisa sa mga gawain, layunin ng susunod na administrasyon. Ako'y nananawagan, huwag tayo makikibahagi sa anumang gulo, anumang alingasngas, o anumang hindi pagkakasunduan. We have to give chance to the new leadership.
"Para magtagumpay ang ating bansa, kailangan tayo ay nakikiisa... panawagan ko po 'wag tayong makikisali sa mga kaguluhan sapagkat wala pong mabuting idudulot yan sa ating bansa, sa ating komunidad, sa ating buhay," saad pa ni Domagoso.
"Life must go on. We must support... sa ating mga lider, irespeto natin ang boto ng ating mga kababayan."
Binati rin niya ang mga nanalo sa eleksyon 2022. Aniya mananatili pa rin siyang gawin ang mga tungkulin niya bilang mayor hanggang Hunyo 30 bago siya bumalik sa pagiging "Citizen Isko."
Sa partial at unofficial result sa election returns ng comelec, nasa ikaapat na puwesto si Domagoso na mayroong 1,881,126 votes as of 4:02 p.m.