Nagpahatid ng pasasalamat ang misis ni senatorial candidate Robin Padilla na si Mariel Rodriguez, sa lahat ng mga sumuporta at mga taong tumulong sa kandidatura ng kaniyang mister, lalo na't si Robin ang nangunguna sa Top 12 ng mga pagkasenador.
Maaga pa lamang ay bumangon na si Mariel upang bumoto, ayon sa kaniyang Facebook post noong Mayo 9, sa araw ng halalan.
"I voted!!!! Woke up at 5:15am showered at 5:20… arrived at 5:58. Lined up. Finished voting at 7am!!!! I AM SO PROUD OF YOU @robinhoodpadilla i was so emotional while shading #49 mahal na mahal kita ROBIN PADILLA!!!!" saad niya sa kaniyang caption.
Hanggang sa maglabas na nga ng partial at unofficial results ng boto at manguna na nga si Binoe.
"On this day, allow me to thank everyone who showed their support for Robin. Luzon, thank you so much! From motorcades to caravans, nandyan kayo for Robin kaya maraming maraming salamat!" saad ni Mariel para sa mga bumoto kay Robin sa Luzon.
Para naman sa Visayas, "Maraming maraming salamat po sa lahat ng taga-Visayas na sinamahan si Robin sa kampanyang ito. I am very thankful for all the efforts and sacrifices you have given to support Robin."
At para naman sa Mindanao, "Hanggang Mindanao, napakaraming sumusuporta kay Robin. Thank you very much Mindanao especially sa mga kapatid na Muslim ni Robin. Representation n'yo po sa senado ang pinaglalaban niya."
"My Senator 💚 is #1 😭😭😭 we are beyond grateful!!! Pilipinas, maraming-maraming salamat," pahayag ni Mariel.
Humagulhol si Mariel dahil wala talaga silang pera at makinarya. Malaki ang pasasalamat ni Mariel sa mga kasamahan ni Robin sa UniTeam na sina dating senador Jinggoy Estrada at dating DPWH Secretary Mark Villar dahil sa pagpapaangkas at pagtulong umano nila sa mister sa panahon ng pangangampanya.
Aminado si Robin na maski siya ay nagugulat na nangunguna siya ngayon sa karera ng pagkasenador, batay sa partial at unofficial results ng mga boto na lumabas nitong Mayo 9 ng gabi.
Aniya sa panayam ni GMA news anchor Jessica Soho, sa palagay niya ay hindi siya naluklok dahil sa popularidad kundi dahil sa mga inilatag na plataporma, gaya ng federalismo.
“Kapag hindi nagbago yung trend at ako ay nanatili sa pagiging number one, isa lang po ang ibig sabihin non. Ang tao gusto na talaga ng federalism at 'yan po ang napakalaking hamon sa lahat po ng mga senador na mananalo po magmula sa akin,” saad ni Padilla.
Ang federalismo ay "mixed or compound mode of government that combines a general government with regional governments in a single political system, dividing the powers between the two."
“Ang naging number one po dito ay yung kagustuhan ng taumbayan na palitan na po natin ang Saligang Batas, 'yun po ang aking pinaniniwalaan. Yun po ang gusto ng taong-bayan. Hindi po ako, ang gusto po nila ay yung plataporma na ibigay ang kapangyarihan sa mga lalawigan,” dagdag pa niya.
Pinasalamatan ni Robin ang lahat ng mga tagasuporta niya, na bagama't wala raw siyang pera o makinarya ay naniwala pa rin sa kaniya.
Si Robin ay isa sa mga inendorso ng Iglesia Ni Cristo (INC).