Diretsahang hinahanap at nais daw makita ni showbiz columnist Lolit Solis kung nasaan na raw ang mga celebrity na 'ubod ng yabang' sa pag-endorso ng kanilang mga kandidato sa panahon ng pangangampanya.
Ayon sa kaniyang Instagram post Mayo 10, "Gusto kong makita ngayon ang mga stars na ubod ng yabang sumuporta sa kanilang mga kandidato Salve."
Ayon kay Lolit, mukhang nakaapekto raw sa kandidatura ng kanilang inendorsong kandidato ang naging attitude at behavior ng mga stars sa nagdaang kampanya at pakikipagbardagulan sa social media.
"Gusto ko na makita paano nila tatanggapin na wala pala silang naitulong para manalo ang ini-endorse nila. Para bang isa pa sila sa naging minus factor dahil nga ikinainis ng tao ang yabang ng dating nila."
Nawa ay maging aral daw ito sa mga artista.
"Maging aral sana ito sa mga artista na bigyan ng dividing line ang role nila as showbiz at pagsali sa pulitika. Puwede na pinapanood kayo sa rally, sinusundan ng mga tao, pero hindi nakikinig sa mga sinasabi ninyo. Saka huwag masyadong righteous ang dating, masakit sa tainga, kainis. So ngayon dapat hinay-hinay lang. Puwede suporta, pero huwag OA."
Kalakip ng kaniyang post ang litrato ng pink ribbons na nakapulupot sa mga puno.
Sa lahat ng mga naging kandidato sa pagkapangulo at pangalawang pangulo, ang tandem na may pinakamaraming nakuhang suporta mula sa mga celebrity ay Leni-Kiko. Nagmula ang mga ito hindi lamang sa ABS-CBN kundi maging sa GMA Network at TV5.
Samantala, wala pang tugon o reaksyon ang mga celebrity tungkol dito.