Pormal nang ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) en banc ang mga apela o motion for reconsideration laban sa tatlong disqualification cases at isang petisyon para sa kanselasyon ng Certificate of Candidacy (COC) na inihain laban kay presidential candidate at dating senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr..

Ang naturang desisyon ay inilabas ng poll body nitong Martes, o isang araw matapos ang halalan sa bansa nitong Mayo 9, kung saan nananatiling runaway frontrunner sa partial at unofficial tally para sa presidential race si Marcos, matapos na makakuha ng mahigit 30 milyong boto.

Sa botong 6-0-1, kinatigan ng Commission en banc ang pagbasura sa mga kasong inihain laban kay Marcos bago pa idaos ang halalan.

Kabilang dito ang tatlong disqualification cases na inihain ng mga petisyuner na si Bonifacio Ilagan, human rights advocates and martial law victims; mga miyembro ng Akbayan Citizens Action Party; at National Commission on Muslim Filipinos Commissioner Abubakar Mangelen, na una nang ibinasura ng Comelec First Division.

Sa 30-pahinang desisyon ng en banc, sinabi nito na ibinasura nila ang mga naturang apela dahil pawang ‘rehash’ lamang at walang bagong isyu sa inihaing argumento.

“We find no cogent reason to disturb the findings of the Commission former first division,” bahagi ng resolusyon.

“Petitioners were unable to raise issues and provide grounds to convince us that, 1) the evidence is insufficient to justify the Assailed Resolution, or 2) the Assailed Resolution is contrary to the law,” anito pa.

“Therefore, there is no basis for herein petitioners to insist that respondent is perpetually disqualified from running for public office,” anito pa.

“Wherefore, in view of the foregoing, the Commission en banc denies the following motions for reconsideration…Accordingly, the Commission en banc affirms the resolution of the commission former first division promulgated February 10, 2022,” bahagi pa ng resolusyon.

Samantala, ang ikaapat namang apela na humihiling na makansela ang COC ni Marcos na inihain ng ilang petisyuner sa pangugnuna ni Fr. Christian Buenafe ng Task Force Detainees, ibinasura na rin ng Comelec en banc.

Hiwalay itong niresolba ng Comelec dahil ito ay para sa kanselasyon ng COC habang ang tatlong iba pa ay pawang disqualification cases.

Matatandaang ginamit na basehan ng mga petisyuner sa pagpapadiskuwalipika kay Marcos ang kanyang pagkabigong maghain ng income tax returns mula 1982 hanggang 1985 noong vice governor pa siya at malaunan ay naging gobernador ng Ilocos Norte.

Sinabi naman na ng Comelec na maaari pang iapela ng mga petitioners ang kaso sa Korte Superma.