Kasunod ng mga ulat kaugnay ng mga aberya sa ilang vote counting machines (VCM), kinailangan na iwan ng ilang botante ang kanilang balotang may laman nang boto sa Electoral Board (EB), bagay na kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) bilang bahagi ng kanilang contingency protocol.

“‘Yan po ay kasama sa ating protocol sa general instruction habang kinukumpuni o ginagawa po kasi ng ating technician ang mga vote counting machine (VCM) na nasira. Dapat ‘yung lahat ng balota ay kukuhanin sa mga botante at pagpapatas-patasin po ‘yan,” ani Comelec Commissioner George Garcia sa panayam ng GMA News, Lunes, Mayo 9.

“‘Pag natapos nang maayos ang VCMs saka po siya ife-feed sa harapan ng lahat watcher at sa lahat ng mga observers na nandoon sa loob ng presinto,” dagdag niya.

Nakasaad sa Comelec Resolution 10759 na pinagtibay noong Enero ang ilang contingency measures sa oras na makaranas ng aberya ang electoral board kabilang ang nabanggit ni Garcia.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Kung sakaling VCM ay hindi na kayang ayusin ng technician, ‘yan po ay ire-replace at kung may available na pang-replace na VCM o kung hindi man po, ‘yan po ay dadalhin sa aming repair hubs,” ani Garcia.

Dahil dito, kailangan na ipaubaya ng mga botante ang kanilang balotang may shade sa kamay ng mga electoral board officers sa kaalaman ng poll watchers.

“No choice po tayo dun. Ang importante, nakaboto ang mga botante, mga kababayan natin at yung mismong mga balota ay nakapatas na po d’yan. Ima-mass feed po ‘yan. Ayun po yung pagkakataon na yung mga resibo hindi po maibibigay,” paliwanag ni Garcia.

Nilinaw rin ng komisyuner na hindi na kailangan pang bumalik ng botante para makita nila mismo ang pagpasok ng kanilang balota sa VCM.

Gayunpaman, pinapayagan ang sinuman na nais mag-antabay sa labas ng mga presinto kung nais na makita ang kanilang resibo.

“Mismong members of electoral board na ang magpi-feed ng balota sa harap ng watchers ng iba’t ibang partido,”

Siniguro naman ng Comelec na bantay-sarado ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), National Citizens' Movement for Free Elections (NAMFREL) kasama ng poll watchers ang kritikal na proseso.

Sa ulat ng Comelec, dakong alas-11 ngayong araw, 51 na VCM ang nakitang may depekto habang 102 SD cards naman ang pinalitan.