Hiniling ng election watchdog na Kontra Daya sa Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes ng umaga na mapalawig pa ang voting hours para sa Eleksyon 2022 dahil na rin sa ilang isyung kinakaharap ng mga botante sa pagboto, kabilang na ang mahabang pila, brownout at aberya sa mga vote counting machines (VCMs).

Sa isang mensaheng ipinaskil sa kanilang Twitter account, umapela ang Kontra Daya sa poll body na ikonsiderang i-extend ang voting hours ng lampas sa itinakdang 7:00 ng gabi.

“QUICK STATEMENT: Kontra Daya calls on the COMELEC to consider extending the voting hours beyond 7:00 p.m. The breakdown of VCMs and the long lines, among other issues, have affected the turnaround time in voting. Extending voting hours can help prevent disenfranchisement,” tweet pa ng Kontra Daya.

Sinabi naman ni Comelec Commissioner George Garcia na may mga technicians silang itinalaga upang magkumpuni ng mga nagkaaberyang VCMs.

Maaari pa rin aniyang bumoto ang mga botante habang ginagawa ang mga VCMs at ang kanilang mga balota ay ibibigay na lamang nila sa mga board of election inspectors (BEIs) upang sila ang magsubo ng balota sa mga makina sa sandaling makumpinina ang mga ito.

Paglilinaw naman ni Garcia, kailangang nakaharap ang mga polls watchers ng mga political parties at mga observers habang ipini-feed ang mga balota sa mga VCMs.

“Habang kinukumpuni ng ating technician 'yun pong vote counting machine na nasira ay dapat po ang lahat ng balota ay kunin sa botante.At kapag natapos na ang pag-aayos ng VCM ay saka na siya (balota) ifi-feed sa harapan ng lahat ng watcher at lahat ng observers na nandun sa loob ng presinto,” aniya pa.

Ang botohan sa bansa ay itinakda ng Comelec mula 6:00 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi.