Kumpiyansa ang kampo ni presidential candidate Bongbong Marcos sa Commission on Elections (Comelec) na tutugunan nito ang mga isyu ng umano'y dayaan sa botohan ngayong araw.

Ito ang makukuha sa pahayag ng abogadong si Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Marcos Jr. nitong Lunes ng hapon, Mayo 9, matapos makatanggap ang kampo ng mga ulat ng umano'y iregularidad sa pagboto sa mga baluwarte ng UniTeam sa Northern Luzon.

“We are taking note of these complaints but we are confident that the Comelec is ready for any eventualities, especially against attempts by some groups to subvert the genuine outcome of this all-important and history-making political exercise,” ani Rodriguez.

Ang iba't ibang reklamo ng mga iregularidad na karamihan ay ukol sa depekto at hindi gumaganang vote counting machines (VCMs) sa Northern Luzon ay umabot sa kampo ni Marcos ilang oras matapos ang pagbubukas ng mga polling precinct nitong Lunes.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Ilan sa mga nagreklamo ay nagmula sa mga bayan ng Narvacan, Sta. Cruz at Burgos sa Ilocos Sur gayundin sa Tabuk City, Kalinga.

“They all claimed that they voted for Marcos but when they checked the results, their votes were credited instead to [Vice President] Leni Robredo,” mababasa sa pahayag ng kampo ni Marcos.

Pinayuhan ng kaparehong kampo ang kanilang mga tagasuporta na maging labis na mapagbantay at iulat sa mga kaukulang awtoridad ang anumang negatibong makakaapekto sa resulta ng halalan.

Ellson Quismorio