Naging ‘blockbuster’ ang Eleksyon 2022 sa Pilipinas na umarangkada nitong Lunes ng umaga, Mayo 9, matapos na pilahan ng mga botante ang mga polling precincts upang makaboto.

Ikinatuwa naman ito ng mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec) dahil indikasyon anila ito na nais ng mga Pinoy na marinig ang kanilang mga tinig sa pamamagitan nang paglahok sa halalan.

“Blockbuster. The long lines are magnificent. Filipinos wanted to be heard and heard loudly,” ayon kay Comelec Commissioner George Garcia sa isang mensahe sa mga mamamahayag.

Nabatid na pasado alas-5:00 pa lamang ng madaling araw ay marami na ang mga botanteng nagtutungo sa mga polling precincts upang mauna sa pila, partikular na ang mga kailangang pumasok pa sa trabaho.

May ilan namang nakaranas ng mga aberya, kabilang na rito ang problema sa vote-counting machines (VCM) sanhi upang bahagyang maantala ang botohan doon.

Maliban sa ilang lugar, ang halalan sa bansa ay nagbukas dakong alas-6:00 ng umaga at inaasahang magtatapos hanggang alas-7:00 ng gabi.

Naging mahigpit naman ang pagpapatupad ng mga otoridad sa health and safety protocols sa mga polling precincts.

Ang lahat ng mga botante ay kailangang nakasuot ng face masks.

Kinakailangan din muna ng mga botante na pumila bago magpakuha ng kanilang mga temperatura.

Ang mga mababa ang temperatura ay kaagad na pinadidiretso sa kanilang polling precincts habang ang mga mataas ang temperatura ay pinagpapahinga muna ng ilang minuto at saka isasailalim muli sa temperature check.

Sakaling mataas talaga ang temperatura nito ay papupuntahin ito sa isolation polling precincts (IPPs) kung saan pinaboboto ang mga taong kakikitaan ng sintomas ng COVID-19.

Una nang sinabi ng Comelec na dahil pampanguluhan ang halalan ay inaasahan nilang magiging mataas ang voter turnout ngayong taon.

Mahigit sa 65 milyong botante ang inaasahang lalabas ng kanilang mga tahanan upang makaboto para sa Eleksyon 2022.