Umabot sa 51 na vote counting machine ang naiulat na pumalya sa pagsisimula ng botohan nitong Lunes ng umaga.
Sa ipinatawag na pulong balitaan, sinabi ni acting Commission on Elections (Comelec) spokesperson John Rex Laudiangco, karamihan sa mga nasirang VCM ay nasa Metro Manila.
Aniya, agad nilang pinalitan ang mga palyadong makina upang hindi maantala ang eleksyon sa gitna ng pandemya ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).Sa umiiral na protocol, makasasagot pa rin ang mga botante sa kanilang mga balota na kokolektahin muna ng electoral board para sabay-sabay isubo sa VCM kapag umayos na ito, sa harap ng mga poll watcher.
"So 'yon po ang pangako namin sa ating mga kababayan. Tuloy ang botohan. Ano man ang magkaroon ng issue, Comelec will address it. We have plan A, B and C, as well as contingency plans," anito.
Kabilang naman sa mga naunang bumoto ang mga tumatakbo sa pagka-pangulo na sina Leody De Guzman, Isko Moreno Domagoso, Panfilo "Ping" Lacson, Ferdinand "Bongbong" Marcos, Manny Pacquiao, at Leni Robredo.
Umaabot sa 18,000 posisyon ang kailangang punuin sa halalan ngayong taon na mayroon ding 65.75 milyong rehistradong botante, bukod pa sa higit 1.6 milyong rehistradong overseas voter.