Isang miyembro ng Barangay Peace Action Keeping Team (BPAT) ang napatay at isa pa ang sugatan sa Buluan, Maguindanao nitong Lunes, Mayo 9, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año.

Aniya, bigla na lamang pinaputukan ng grupo ng mga armadong lalaki ang mga gumagala na security personnel alas-7:40 ng umaga sa Barangay Poblacion.

Sa kabila ng insidente, iginiit ni Año sa isang panayam sa GMA News na sa pangkalahatan ay mapayapa ang Mayo 9, pambansa at lokal na botohan sa buong bansa.

“Tuloy tuloy yung montioring natin nationwide. Ang ating mga kapulisan ay nagrereport ng mga nagaganap, so far naman ay ok," ani Año.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Sa Surigao del Norte, sinabi ni Año na nahuli ng lokal na pulisya ang humigit-kumulang 12 armadong kalalakihan na pinaniniwalaang mga tagasuporta ng hindi pa nakikilalang kandidato sa pulitika.

“All the rest naman ang namomonitor natin ay tahimik at maayos na nagaganap ang pagboto ng ating mga kababayan. May mga kunting glitch na kaya namang ayusin ng Comelec,” dagdag niya.

Nilinaw niya na hindi maaaring basta-basta papasok sa mga polling precinct ang mga unipormadong tauhan hangga’t hindi nagre-request ang Comelec para sa kanilang interbensyon.

“At yung mga maliliit na bagay na Comelec naman ang magsosolve ay pinababayaan na lang natin unless na tawagan yung ating mga kapulisan para tumugun sa anumang emergency,” giit ni Año.

Ipinunto ng DILG chief na ang Philippine National Police (PNP) ay magsasampa ng mga kasong kriminal sa Comelec na naghahain din ng mga kaso ng disqualification laban sa mga political bet na gumawa ng mga paglabag na may kaugnayan sa halalan sa Mayo 9, 2022 na botohan.

Tiniyak ni Año na magpapatuloy pa rin ang mga kasong isinampa laban sa mga rogue political bets sa May 2022 polls kahit pagkatapos ng national at local elections.

“Pwedeng maging ground din yan para mabawi kung sya man ay nanalo, disqualified pa rin sya kapagka mapatunayan na nagkasala talaga (election-related violations) sya,” aniya.

Iginiit ng DILG chief na ‘generally peaceful’ ang kanilang assessment sa May poll situation kahit sa simula pa lang ng election period noong Enero 9 hanggang ngayong araw (Mayo 9) dahil kakaunti lang ang napaulat na ‘election-related incidents’.

“Siguro if I’m not mistaken more or less mga 16 incidents lang ano yung election related incidents. If you will compare this with previous elections mababang mababa ito and hopefully ay matapos yung eleksyon ngayong araw, wala na sanang mga violence na magaganap,” sabi ni Año.

Chito Chavez