Sa kanyang pakikiisa sa miting de avance ni Vice President Leni Robredo, muli na namang nakatanggap ng akusasyon ukol sa prangkisa ng ABS-CBN ang Kapamilya star na si Janella Salvador. Ang aktres, nilektyuran na ang isang netizen.
Sa ibinahaging mga larawan ng aktres sa naganap na huling hataw ng kampanya ni Robredo at running mate nitong si Sen. Kiko Pangilinan, ang kanyang mga salita, “Titindig para sa bayan.”
Muli namang tinira ang aktres ng ilang netizen kabilang ang nagngangalang Rex Saniel Pintor na nag-iwan ng komento sa kanyang Facebook post.
“Stand for the nation o stand for the station?” mababasang komento ni Rex.
Pinalagan naman ito ng aktres at pinangaralan pa ang netizen sa proseso ng pagkuha ng prangkisa na nakasalalay lang sa Kongreso.
“First of all, if yopu were smart enough to establish the difference between executive, legislative and judiciary branches of government, you would know that a President nor a Vice President has no ability to grant franchise on TV Networks,” panimulang tirade ni Janella.
Dagdag niya, “you could be jailed for your baseless accusations so be careful with your words.”
Matatandaang dalawang taon nang nawala sa ere ang home network ni Janella, ang ABS-CBN matapos mapaso ang prangkisa nito noong 2020 at hindi makalusot sa Kongreso ang hiling nitong panibagong prangkisa.
Samantala, viral din ang komento ng isa pang netizen na napansin naman ang “tamlay” ni Janella sa mga larawan habang nagsasaad ng isang panata.
Banat ni Janella sa nagngangalang Mae Calijan Moreno, “May nakita na po kayong tumatawa habang nagpapanata?”
Ang aktres ay isa sa mga naglalakihang pangalan sa showbiz industry na nakiisa sa tinaguriang “Makatindig” para sa kandidatura ni Robredo at Pangilinan.