Bantay-sarado at hindi raw matutulog sa Mayo 9 si senatorial candidate Robin Padilla para lamang mabantayan ang boto at hindi umano madaya si presidential candidate at dating senador Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr., nang magtalumpati siya sa miting de avance na ginanap sa Parañaque City nitong Mayo 7 ng gabi.
Ayon kay Robin, hindi raw siya matutulog sa Lunes ng gabi para bantayan ang resulta ng boto kay BBM. Inilarawan niya ang sarili bilang isang 'rebolusyunaryo'.
“Kanina ho, artista tayo; ngayon, rebolusyonaryo na ho tayo. Mga mahal kong kababayan, kitang-kita na po natin na panalong-panalo na si Bongbong Marcos at si Inday Sara Duterte."
“Sa lahat ho ng lupalop sa Pilipinas na pinuntahan namin, ang lahat ng tao, ang isinisigaw, BBM-Duterte!"
“Ngayon, mga kababayan, hahayaan po ba natin na mangyari sa atin ang 2016?" pag-uungkat ni Binoe sa naging isyu ni BBM sa pagkatalo niya sa pagkapangalawang pangulo noong 2016 kontra Vice President Leni Robredo.
“Walang tulugan 'to! Mga kababayan, tama na ang pakikialam ng mga dayuhan! Sa pagkakataong ito, tumindig tayo bilang mga Pilipino! Huwag tayong pumayag na madaya si Bongbong! Walang tulugan! Walang tulugan! Walang tulugan!"
“Tandaan n'yo, noong 2016, natulog lang tayo, put*ina! Hindi na puwede 'yan! Ngayon, babantayan na natin ang boto!” pagbibigay-diin pa ng action star na kumakandidatong senador.
Matatandaang tatlong beses na nagprotesta at nagpa-recount si BBM subalit ayon sa Supreme Court, si VP Leni talaga umano ang lehitimong nanalo.