Hinamon ng Department of Education (DepEd) nitong Linggo si Presidential candidate Sen. Manny Pacquiao na pangalanan ang sinasabi nitong opisyal ng kagawaran, na sangkot sa korapsyon.

Nauna rito, sa isang panayam na inorganisa ng Commission on Elections (Comelec) at Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP), na iniere noong Biyernes, sinabi ni Pacquiao na may alam siyang isang opisyal ng DepEd na tumatanggap ng komisyon mula sa mga proyekto ng ahensya.

“May kakilala pa ako diyan, hindi pumapayag na bumababa nang 40 percent ang mapunta sa kaniya,” ani Pacquiao.

Tumanggi naman si Pacquiao na pangalanan ang naturang opisyal at wala pa ring iprinisintang ebidensiya hinggil dito. “Hindi na ako magsabi... pero maniwala kayo sa akin na ipakulong ko lahat ng mga kawatan diyan. Wala akong pipiliin kahit ano'ng posisyon mo.”

Bilang tugon, hinikayat naman ng DepEd si Pacquiao na pangalan ang naturang opisyal.

Anang DepEd, mapanganib para kay Pacquiao na atakihin ang integridad ng departamento, na ang mga personnel ang siyang magsisilbing poll workers sa halalan sa bansa ngayong Mayo 9, lalo na at bilang isang kandidato ay maaari siyang Manalo sa halalan.

“Sa isang panayam sa KBP-COMELEC PiliPinas Forum 2022 na ipinalabas nitong Mayo 6, nabanggit ni Senador Manny Pacquiao ang isang opisyal umano ng DepEd na sangkot sa korapsyon sa pagtanggap ng hati at/o komisyon na umaabot ng 40% ng halaga ng proyekto. Nang tanungin kung sino, tumanggi siyang pangalan ito,” anang DepEd, sa isang kalatas nitong Linggo.

“Bilang isang lingkod bayan, ang butihing senador ay may karapatan, legal at moral na kilatisin at kuwestiyunin ang anumang pagkakamali, sinumang tao o ahensiya ng gobyerno para sa nasabing paksa sa kanyang hakbang upang puksain ang katiwalian at korupsyon sa burukrasya,” anito.

Dagdag pa ng DepEd, “Sa loob lamang ng ilang araw, gayunpaman, ang buong bansa ay magtutungo sa mga polling station upang bumoto para sa susunod na Pangulo ng Republika. Alam nating lahat, na ang butihing senador ay isang kandidato, at maaaring manalo para sa prestihiyosong tanggapan.”

“Samakatuwid, ito ay isang moral na tungkulin ng butihing senador, bilang isang kandidato sa pinakamataas na tanggapan sa bansa, na pangalanan at/o tukuyin, at hindi umasa sa pangkalahatan upang hamakin ang buong institusyon ng Kagawaran ng Edukasyon,” anang DepEd.

“Bagamat ang COMELEC ang pangunahing ahensiya na nakatalaga sa electoral process, sa likod ng bawat polling precinct at canvassing center ay ang mga guro, empleyado at mga opisyales ng DepEd. Tayo ay mayroong 948,270 guro pati na rin ang mahigit sa 27 milyong mag-aaral. Malinaw, na ang anomang paninirang-puri sa buong institusyon ay lubhang mapanganib at maaaring makaapekto sa impresyon ng publiko sa integridad ng darating na resulta ng halalan,” pahayag pa ng DepEd.

Giit pa ng kagawaran, “Habang maaari na may mga binhing hindi kanais-nais sa loob ng organisasyon, ang pamunuan ng Kagawaran ay may kakayahan sa pag-akusa sa mga sangkot at tanggalin ang mga napatunayang nagkasala. Samakatuwid, hindi ito ang tamang panahon upang kondenahin ang buong institusyon.”

“Ang pagpaparatang ng kamalian, na hindi suportado ng tiyak na katotohanan o nang walang tiyak na pangalan, ay katumbas ng maling akusasyon,” paninindigan pa ng DepEd.

Matatandaang mahigit sa 647,000 teaching at non-teaching personnel ng DepEd ang nakatakdang magsilbi bilang election workers sa halalan.