Usap-usapan sa social media ang ekspresyon ng mukha at nangungusap na mga mata ni Kapuso actress-TV host Camille Prats habang sinasambit ang panata sa bayan, sa pangunguna ng tatlong henerasyon ng Darna na sina Angel Locsin, Iza Calzado, at Jane De Leon, sa miting de avance ng Leni-Kiko tandem na ginanap sa Makati City nitong Mayo 7 ng gabi.
Ayon sa mga netizen na Kakampink, representasyon umano ng ginawa ni Camille ang 'uhaw' na nararamdaman ng mga botante para sa tunay na pagbabago, na nais nilang makamit kapag pinalad na manalo si Vice President Leni Robredo at Senador Kiko Pangilinan.
Samantala, sa kaniyang Instagram posts naman ay ibinahagi ni Camille ang kaniyang mga karanasan bilang isa sa mga celebrity volunteers para sa Leni-Kiko tandem.
"Reporting for duty ma'am! 🫡 💕 2 days ago, I was asked to be a volunteer host for the rally in Sorsogon. @vjyambao1 and I didn't hesitate to go. #TeamNoSleep coz our flight was at 3:40am straight to the rally at 8am. Pagod oo, pero masaya din," ani Camille.
"Masaya na nakagawa ng isang bagay na walang kapalit powered by a love so radical. Ramdam mo how sincere the love and support is, from the people to @bise_leni and senator @kiko.pangilinan and vice versa."
"It was as if we were all surrounded by love and genuine kindness and care for each other. 💕 kami ay tumitindig at lalaban para sa kinabukasan, para sa bansang ramdam ng mamamayan ang yaman ng kanilang sinilangan. Buhay na magaan at may pag-asa,hindi isang kayod-isang tuka. Ang pangarap natin na isang bansa na aangat ang lahat."
Sa isa pang IG post, ipinakita niya ang mga pangyayari sa naganap na miting de avance, sa likod ng entablado. Marami rin ang nagpaabot ng mensahe sa kaniya dahil sa viral facial expression niya.
"Ang makasaysayang araw na ito ay habang buhay nating matatandaan. Ang araw na pinaglaban natin ang kinabukasan mo at ng bawat kabataang Pilipino. Buhay na masagana, tapat at may pag-asa. @nathanielcaesar24 I hope one day you will be proud of us."
"Naiiyak ako habang binabasa lahat ng messages niyo. Dasal ko nawa'y gabayan ng Diyos ang Pilipinas, ang bawat Pilipino at ang kinabukasang naghihintay para sa ating lahat. I love you all. It is my privilege to represent each one of you 🥺💗 Para sa bayan💓 #letlenilead2022."