Itinanggi ng Commission on Elections (Comelec) ang isang viral document na kumakalat sa social media na nagsasabing ilang party-list groups at isang senatorial candidate ang na-disqualify ng poll body.

Ayon sa pekeng dokumento na gumamit pa ng logo ng Comelec, ang mga party-list at isang senador ay na-disqualify sa umano'y pagkakasangkot sa "mga aktibidad ng terorista."

Sa isang press briefing, tinawag pa ni Comelec Commissioner George Erwin M. Garcia ang dokumento bilang “fake news.”

“Hindi po iyan totoo,” anunsyo niya.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Hindi po naglalabas ng ganoong whereas, whereas resolution ang Commission,” dagdag ni Garcia.

Pinabulaanan ni Comelec Acting Spokesperson John Rex C. Laudiangco, na ginamit din ang pangalan sa pekeng dokumento, sa pagkakaroon ng naturang dokumento.

“We are stating that this document circulating regarding some party lists and a senatorial candidate is fake and spurious,” pagpupunto niya.

Ipinunto pa niya na mali ang kanyang posisyon na nakalagay sa pekeng dokumento.

Nanawagan si Laudiangco sa publiko na huwag maniwala sa mga kasinungalingang kumakalat sa social media.

Aniya, ang mga entidad na nasa likod ng paglaganap ng naturang mga kasinungalingan ay haharapin nang naaayon.

Samantala, pinabulaanan din ni Garcia ang mga maling ulat sa social media na nagsasabing tapos na ang canvassing ng mga boto.

Dahil dito, hinimok ng Comelec commissioner ang publiko na umasa lamang sa traditional media at hindi sa social media.

Apela ni Garcia, “‘Wag niyo pong paniniwalaan ang mga fake news na kumakalat sa social media, mag-rely lang po tayo sa traditional media na mayroon tayo… Sila ang magbibigay sa inyo ng tunay at makatotohanan na balita.”

Jel Santos