Hindi sakop ng prohibisyon o pagbabawal sa pangangampanya ang mga supporters ng mga kandidato para sa May 9 national and local elections.

Sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia nitong Linggo na ang naturang ban o pagbabawal sa pangangampanya sa pagtatapos ng campaign period noong Mayo 7, ay mahigpit lamang na ipinaiiral sa mga kandidato at mga partido politikal.

Aminado si Garcia na hirap silang pagbawalan ang mga supporters na mangampanya para sa kanilang kandidato kahit tapos na ang panahon ng kampanyahan, dahil ang mga ito aniya ay may karapatan sa malayang pamamahayag o freedom of expression.

“Napakahirap, aaminin natin, na i-impose yung pagbabawal na ‘yan sa mga supporters, kasi yung supporters are entitled sa tinatawag na freedom of expression. Karapatan nila ‘yan,” pahayag pa ni Garcia nitong Linggo, bisperas ng araw ng eleksyon sa bansa, sa panayam sa teleradyo.

Ani Garcia, ang mga supporters na patuloy na ipinuprumote ang kanilang mga kandidato ay hindi maaaring hulihin dahil ang illegal campaigning rules ay aplikable lamang aniya sa mga kandidato at political parties.

“Therefore, kung merong 50 milyong Pilipino na magpo-post ng kung ano-ano para sa kanilang mga nagugustuhang kandidato, sa bandang huli, hindi po yun covered nung prohibition na ito,” paglilinaw pa ni Garcia.

Binigyang-diin naman ni Garcia na ibang usapin naman kung magbabahay-bahay ang mga supporters upang mangampanya dahil posible aniyang ang mga taong sangkot sa naturang mga aktibidad ay bahagi pa rin ng campaign team ng mga kandidato at ng kanilang partido.

“We can always look into that, and we can always say na ito ay campaigning by a campaign team,” aniya pa.

Kaugnay nito, sinabi ng Comelec na minu-monitor rin nila kung mayroong nagaganap na “mass at group texting” bilang uri ng pangangampanya dahil mahigpit anila itong ipinagbabawal lalo na kung sangkot ang mga kandidato.

Bawal na rin aniya ang pamamahagi ng mga sample ballots dahil isang uri ito ng pangangampanya.

Ang campaign period para sa national candidates ay nagsimula noong Pebrero 8 habang ang kampanyahan naman para sa mga lokal na kandidato ay nagsimula noong Marso 25.

Inaasahang mahigit sa 65 milyong botante ang lalabas ng kanilang mga tahanan upang bumoto bukas, Lunes, mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi