Umapela si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa mga botante na i-report kaagad sa mga kinauukulan ang anumang vote buying o vote selling activities sa kanilang mga komunidad.

"Kung may nakita tayo na kakaiba, ireport kaagad natin. Wag kayong mangimi sa pagrereport at para maaksyunan natin ora mismo," ani Año sa isang panayam sa radyo.

Sinabi ni Año na simula Mayo 8 hanggang sa aktwal na araw ng halalan sa Lunes, Mayo 9, tungkulin ng mga itinalagang pulis na ipatupad ang liquor ban at tiyaking walang lahat ng uri ng aktibidad sa kampanya sa eleksyon, tulad ng pamamahagi ng political materials, na ginagawa.

Aniya, "Hindi mangingiling mag-aresto ang ating mga pulis kapagka may mga violators kaya winawarningan na natin ano, tapos na yung pangangampanya starting today and at the same time din ano, yung mga mamimili ng boto talagang deretso o huhulihin talaga yan."

National

Pahayag ni VP Sara, ‘active threat’ sa buhay ni PBBM — Malacañang

Inatasan ni Año ang Philippine National Police (PNP) na lumikha ng mga Anti-Vote Buying Team sa bawat lalawigan at lungsod upang imbestigahan ang mga alegasyon ng pagbili at pagbebenta ng boto bilang pagsunod sa mga batas, tuntunin, at regulasyon sa halalan.

"This is a concrete effort of the DILG and PNP to support the Commission on Elections (Comelec) and the interagency Task Force Kontra Bigay in ensuring a fraud-free election," saad ng kalihim.

Matatandaan na nasa 10 insidente ng umano’y vote buying ang iniimbestigahan na ngayon ng Comelec.

BASAHIN: 10 insidente ng umano’y vote buying, iniimbestigahan ng Comelec task force

Nabatid na ang naturang mga kaso ay kabilang sa maraming report at reklamo ng vote buying na natatanggap ng Comelec, sa pamamagitan ng kanilang official email address at Facebook page.

Sa isang pahayag nitong Sabado, Mayo 7 sinabi ng Comelec na ang kanilang Task Force Kontra Bigay na pinamumunuan ng Commissioner Aimee Ferolino, ang nagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa naturang mga insidente ng bilihan ng boto.

Samantala, sinabi ni Año na ang Anti-Vote Buying Teams ay inatasan din na mangalap at magpanatili ng ebidensya, kumuha ng mga pahayag ng mga testigo, at protektahan ang mga testigo o nagrereklamo sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga nararapat na ahensya ng gobyerno.

"Evidence-based complaints ay aaksyunan at ive-verify ng PNP Anti-Vote Buying Teams at idadaan sa parehong proseso ng pagkalap ng ebidensya. These will be forwarded to the Comelec which has a motu proprio power, or on its own accord, file cases of violation of election laws," ani Año.