Naungkat na naman ang posibleng pagkakaroon ng programa ni Toni Gonzaga-Soriano sa bagong network na pagmamay-ari ng dating senador na si Manny Villar---ang Advance Media Broadcasting System o AMBS, na matunog na pamumunuan umano ni Willie Revillame.
Iyan ang naging usapan nina Cristy Fermin at Romel Chika sa May 6 episode ng kanilang radio program na 'Cristy Ferminute' na napapanood din sa YouTube channel at Cignal. Pambubuking ni Cristy ay mukhang tutuloy na nga si Toni sa AMBS matapos niyang magbitiw bilang main host ng 'Pinoy Big Brother' sa ABS-CBN.
"Si Toni Gonzaga po laging sinasabihan ng mga kalaban niya sa entablado de kampanya na wala na raw po siyang maasahan mula sa ABS-CBN. Nagbitiw na siya bilang host, di ba ng Pinoy Big Brother.
“Naku, mukhang mabibigo po kayo! Ngayon pa lang po ay balitang-balita na dalawang programa po kaagad ang pagre-reynahan niya sa bagong network na bubuksan ni Senador Manny Villar," sey ni Cristy.
"Ngayon pa lang ay naka-plantilla na kaagad ang kinabukasan. Sabagay po, pana-panahon naman po ‘yan. Maaaring ‘yung kawalan sa ating buhay, karagdagan naman dito sa kanan ganoon naman ‘yun, eh, di ba? Kapag may nawala, may papalit, kapag may nagsaradong pintuan, may nagbubukas na bintana at kung minsan buhos pa nga dahil buong bubong ang nagbubukas.”
Sey naman ni Romel, nakakatuwa raw si Toni dahil hindi nanindigan ito sa prinsipyong kaniyang ipinaglalaban, na pagpapakita ng suporta sa UniTeam, lalo na kina presidential candidate at dating Senador Bongbong Marcos, Jr. at running mate nitong si vice presidential candidate at Davao City Mayor Sara Duterte.
Hayagan din ang pagpapakita nila ng suporta sa kanilang kaibigang si dating DPWH Secretary at tumatakbong senador sa UniTeam slate na si Mark Villar.
Pinuri naman ni Cristy ang pananatiling tahimik ni Toni sa kabila ng pagbatbat ng mga basher sa kaniya, dahil sa suporta niya sa UniTeam.
"Gusto ko ‘yun kasi alam niya na oras na sinagot niya ‘yung mga bashing manganganak nang manganganak ‘yun at hahaba nang hahaba at dadami pa ang mga isyu kaya mas maganda tahimik na lang. Iyon ang pinakamagandang paraan ngayon, tahimik na lang!”
Sa ngayon ay walang programa sa telebisyon si Toni, bagama't aktibo siya sa kaniyang 'ToniTalks'.