Ang Pilipinas ay nagtatala lamang 184 average na bagong kaso ng Covid-19 bawat araw. Sa kabila nito, hinimok ng Department of Health (DOH) ang publiko na huwag magpakampante.

“Ukol po doon sa mga Covid cases natin, tuloy-tuloy pa rin po ang pagbaba ng ating mga kaso. Ngayon po, nationally, meron po tayong 184 cases per day na average. Sa National Capital Region naman po,” ani DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa naganap na Laging Handa briefing nitong Sabado, Mayo 7.

Sinabi ni Vergeire na binabantayan nila ang kalagayan ng Covid-19 ng ilang lugar sa bansa.

“Although may mga binabantayan tayo na mga lugar na merong pagtaas ng kaso but these are just less than 35 cases at the most— dito sa mga areas na ito, hindi rin po nagtatranslate sa pagtaas ng mga admissions sa hospital,” aniya.

National

'Pekeng' doktor na tumuli sa namatay na 10-anyos, dati na raw nabilanggo

Samantala, sinabi ni Vergeire na wala silang nakitang mga bagong kaso ng Omicron sublineages batay sa kamakailang resulta ng genome sequencing.

“Dito sa genome sequencing, meron po tayong nagawa nung April 28 kung saan 58 samples: 36 sa kanila positive sa Omicron variant, isa po positive sa Beta variant, 21 wala pong lineage na assigned. Wala po tayong nakita pa na ibang katulad ng mga sublineages na sinasabi natin,” sabi ni Vergeire.

Iniulat din ni Vergeire na nagpadala na sila ng mga sample ng 15 turista sa Palawan, na nagpositibo sa Covid-19, para sa genome sequencing upang matukoy kung anong uri ng coronavirus variant ang nakuha nila.

Analou de Vera