Kamakailan lamang ay napabalita ang pag-urirat ng mga netizen sa actress-host na si Gladys Reyes tungkol sa pagsusuot niya ng pink outfit noong Abril 25 sa kaniyang Instagram post, para sa mothers' day special ng taping ng 'All-Out Sundays' o AOS, ang noontime musical variety show ng GMA Network.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/05/01/gladys-reyes-nagsuot-ng-pink-outfit-urirat-ng-mga-netizen-kakampink-ba-siya/">https://balita.net.ph/2022/05/01/gladys-reyes-nagsuot-ng-pink-outfit-urirat-ng-mga-netizen-kakampink-ba-siya/

"Work mode… All Out Sundays taping," sey ni Gladys sa caption. Makikitang nakasuot siya ng pink outfit, pinasalamatan ang mga gumawa ng kaniyang hair, make-up, at style niya.

Pinuri naman siya ng mga netizen dahil kahit nasa 40s na siya at isang working mom at asawa ay glowing pa rin si Gladys.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

"You look stunning in pink. Real talk lang po… totoo namang maganda yung outfit and color… bumagay sa beauty niya…"

"So pretty in pink!"

"Pretty as always!"

"Parang dalaga lang. Well done!"

"Beautiful Ms. Clara!"

Maging ang mga senior stars na sina Chanda Romero at Carmi Martin ay napakomento rin sa kaniya.

"Fresh!! Bilib ako sa loyalty ni @mamarhayedelacruz," sey ni Chandra na tumutukoy sa gumawa ng hair and make-up ni Gladys.

Papuri naman ni Carmi, "Super love it! Winner ka talaga bff parang walang apat na anak sa katawan."

Samantala, may ilang mga netizen naman ang humula na baka isang Kakampink o tagasuporta ng Leni-Kiko tandem si Gladys. Kamakailan lamang ay naging usap-usapan kung sinong kandidato ba ang i-eendorso ng 'Iglesia ni Cristo'. Isang INC member si Gladys.

"You look good in pink Clara… #rosasAngKulayNgBukas love you Clara batang 90’s."

"Sana Kakampink…"

"Leni po ba?"

Sa Twitter, ibinahagi rin ito ng ilang mga netizen.

"This was posted 5 days ago. Clara? Ito na ba ang paggalaw ng baso?"

"Gladys Reyes for VP Leni?"

"Nag-pink na si Gladys Reyes. Malakas ang kutob ko na si VP Leni dadalhin ng INC."

"Wow. After Tunying, now Gladys Reyes. Is this an indicator na INC will support VP Leni??!"

Noong Mayo 3, lumabas na rin ang desisyon ng kinaaanibang religious group ni Gladys, ang 'Iglesia Ni Cristo', kung sino-sinong mga kandidato ang susuportahan nila sa darating na halalan. Ito nga ay sina UniTeam standard bearers at dating Senador Bongbong Marcos, Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte.

Bukod sa kanilang dalawa, ilan din sa mga senatorial candidate na inendorso nila ay mula sa UniTeam.

Umani naman ito ng iba't ibang reaksyon mula sa mga netizen.

Kaya naman noong Mayo 5 ay binasag na rin ni Gladys ang kaniyang katahimikan at ipinagtanggol ang desisyon ng INC, at isiningit na rin niya ang paglilinaw sa likod ng kaniyang pink outfit.

"Ako po at ang buo naming pamilya ay mananatiling kaisa ng aming pamamahala sa loob ng Iglesia Ni Cristo at patuloy na ipatutupad ang kaisahan, dahil ito po ay nakasulat sa banal na kasulatan, sa 1 Corinto 1:10 na 'wag magkabaha-bahagi at magkaroon ng isa lamang paghatol (o pagboto)," wika ni Gladys.

"Ito po ay ipinatutupad sa loob ng Iglesia sa simula't simula pa lamang. Huwag din po sana lagyan ng kahulugan ang kulay ng aking kasuotan noong nakaraan, dahil yun lamang ang color motiff para sa Mothers Day Special na aming ginawa at wala na pong ibang ibig sabihin."

"Ako po ay patuloy na maninindigan sa aking pananampalataya, dumating man ang pag-uusig, di patitinag. Higit sa lahat, sana ay manaig pa rin po ang respeto at pang-unawa sa isa't isa, magkaiba man po ng pananaw ang iba."

Nag-react naman dito ang UniTeam supporter na si Kapuso Comedy Queen Ai Ai Delas Alas.

"Nice one kapatid," wika ni Ai Ai.

Nagpahayag din ng pagsuporta sa desisyon ng INC ang aktor na si Jon Lucas.

"Kaisa ng Pamamahala," aniya.