Nahihiya umano si senatorial aspirant Atty. Chel Diokno kay Robin Padilla dahil pinagsasabong umano sila ng mga netizens. Pinagkukumpara kasi ng mga ito ang track record nilang dalawa.

Ayon kay Diokno, masakit daw kapag may nagsasabing hindi siya iboboto dahil hindi siya kasing gwapo ni Padilla.

"Nahihiya po ako kay sir Robin Padilla na kami’y pinagsasabong ng mga netizen. Pagdating sa appeal, totoong milya-milya ang lamang niya sa akin. Masakit lang pala pag may nagsasabing hindi nila ako iboboto dahil hindi ako kasing pogi… kahit aminado naman ako na totoo ito," saad niya sa kaniyang Facebook post nitong Sabado, Mayo 7, 2022.

Aniya hindi raw talaga maaalis sa mga botante ang paghambingin ang mga kakayahan at track record ng mga kandidato.

"Gayunpaman, hindi natin maaalis sa mga botante ang paghambingin nila ang kakayahan at track record ng mga kandidato. Bahagi ito ng proseso ng pagpili kung sino sa tingin nila karapat-dapat sa kanilang boto," saad ng senatorial aspirant.

"Sigurado naman ako na kahit sino sa amin ang napupusuan n'yo, lahat tayo ay nagkakaisa sa layuning magkaroon ng tapat, makatarungan, at makataong gobyerno para sa lahat ng Pilipino," dagdag pa niya.

Si Chel Diokno ay tumatakbo sa ilalim ng senatorial slate ng Leni-Kiko tandem.

Ngayong araw, Mayo 7, dalawang araw bago ang eleksyon, magaganap ang miting de avance ng Leni-Kiko tandem sa Makati City.