Mahigit sa₱32.84 bilyon ang kitang naitala ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) noong taong 2021.

Sa isang kalatas nitong Sabado, sinabi ng PhilHealth na ang naturang kita ay mas mataas ng₱2.8 bilyon o 9% kumpara noong 2020.

Ayon sa PhilHealth, dahil sa mas pinalakas na koleksyon at paglunsad ng payment facility sa Member Portal, nakakolekta ang PhilHealth ng₱171.17 bilyong halaga ng health insurance contributions o mas mataas ng 15%, dahil na rin sa pagtaas ng koleksyon mula sa self-paying/earning members.

Bukod dito, tumanggap din ang PhilHealth ng subsidiyang nagkakahalaga ng₱71.24 bilyon mula sa National Government para sa Indirect Contributors.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Anang PhilHealth, ang pinaigting na koleksyon ay nakatulong para malampasan ng nila ang collection target nito ng 10%.

Samantala, umabot naman ng₱140.16 bilyon ang benefit claims expense ng PhilHealth noong 2021 at nakapagtala ng dagdag claims na may halagang₱20 bilyon, na 16% na mas mataas sa₱120.9 bilyong naitala noong 2020.

Malaking bahagi ng pagtaas ng benefit claims expense ay dahil sa mas mataas na kamalayan ng mga Filipino tungkol sa iba’t-ibang benepisyo ng PhilHealth.

Nabatid na noong nakaraang taon, bukod sa pagbabayad ng COVID-19 benefits, malaking halaga rin ang ibinayad ng PhilHealth sa claims para sa inpatient at outpatient care, primary care benefits, at Z Benefits.

Sinabi ng state insurer na sa kabuuan, ang naging koleksyon ng PhilHealth noong 2021 ay mas mataas pa rin ng₱31.01 bilyon kumpara sa benefit payments nito para sa parehong panahon.

Lumalabas anila na nagbabayad ng₱0.82 sentimo ang PhilHealth para sa benepisyo ng mga miyembro sa kada pisong nakokolekta nito.

Nagkaroon din anila ng pagtaas sa investment income ng PhilHealth matapos itong kumita ng₱9.5 bilyon, lampas ng 40% sa target nito para sa nakaraang taon.

Ang total assets naman nito ay umarangkada ng 27% o₱347.48 bilyon, mas malaki sa₱274.46 billion noong 2020. Malaking bagay dito ang pagtaas ng pamumuhunan kung saan ang National Government subsidies at maturities ay ipinuhunan matapos isaalang-alang ang kinakailangang panggastos.

Ang investment portfolio ng PhilHealth na nagkakahalaga ng₱331 bilyon ang nagbunsod ng nasabing paglago ng investments nito na kinabibilangan ng special savings deposits (SSD) at time deposits na may pinagsamang halagang P70 bilyon. Ang mga ito ay itinuturing na madaling i-liquidate at i-convert sa cash sa mga pagkakataong may hindi inaasahang pangyayari sa cash flow ng PhilHealth. Ang iba namang pamumuhunan nito ay nasa government at corporate bonds.

May hawak ngayong₱177 bilyon reserve fund ang PhilHealth, o 25% na mas mataas noong 2020, dahilan upang magarantiyahan nito ang tuloy-tuloy na benefit payouts para sa mga miyembro sa kanilang mga pangangailangang medikal.

“Ang aming accomplishments ay sumasalamin sa aming determinasyon na maayos na pangasiwaan ang Programa.Ang aming dedikasyong magbigay ng mahusay na serbisyo publiko ang nagtawid sa amin sa isang mapaghamong 2021,” ani Atty. Dante A. Gierran, Pangulo at Punong Tagapagpatupad ng PhilHealth.

Hinikayat din naman ni Gierran ang mga miyembro ng PhilHealth na patuloy na mamuhunan para sa kanilang kalusugan.