Tila may tirada si presidential aspirant Vice President Leni Robredo sa kaniyang kalaban na si dating Senador Bongbong Marcos, Jr. dahil sa umano’y pagpapakalat ng mga kasinungalingan laban sa kaniya.

Sa isang ambush interview nitong Biyernes, Mayo 6, sa Sorsogon, hiningan si Robredo ng komento tungkol sa paghahain ng kaso ng kaniyang spokesman na si Atty. Barry Gutierrez laban sa isang tabloid.

"Hindi pa kami nagkakausap ni Atty. Barry... pero may mga studies na ginawa na part talaga ito nung troll machinery na ginamit sa akin since 2016, ito rin yung same na trolls na nagpakalat ng lahat ng kasinungalingan laban sa akin," saad ng bise presidente.

Pormal nang nagsampa ng kaso ngayong araw si Gutierrez laban sa isang tabloid na nagsabing adviser ni Robredo ang Communist Party of the Philippines (CPP) founder na si Jose Ma. Sison.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

"Itong NPA, NPA grabe na 'yong pag-morph nito, una may asawa akong NPA sunod ako na 'yong NPA, ngayon adviser ko na si Joma na hindi ko naman siya kilala na never ko pa nakausap, kahit sa telepono manlang hindi kami magkakilala. So sobrang malayo siya sa katotohanan. Talagang ginagawa lang ito para linlangin ang mga tao," dagdag pa niya. 

"Nakakalungkot lang ngayon kasi yung pag-spread ng kasinungalingan ganun pa din. Halimbawa na lang ‘yong election protest na binrand ako na nandaya. Ilang beses ko na siyang natalo sa Supreme Court, unanimous ang decision, 15-0, ang narrative niya dinaya pa din siya," saad pa ni Robredo ngunit hindi niya binanggit ang pangalan ni Marcos.

Matatandaan na noong 2016 vice presidential race, natalo ni Robredo si Marcos. Tatlong beses nagpa-recount si Marcos na kung saan mas lumamang pa ang bilang ng boto ni Robredo. 

"So parang wala nang redemption, talagang ang sinungaling sa umpisa, sinungaling din sa kahuli-hulihan, kawawa yung mga Pilipinong napapaniwala," dagdag pa ng bise presidente.