Aabot sa 200 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱1,360,000 ang nakumpiska sa isang 'big-time drug pusher' sa ikinasang anti-illegal drug operation ng Taguig City Police noong Mayo 5, 2022.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director, Brig. General Jimili Macaraeg ang naarestong suspek na Akmad Sumlay,alyas Tukoy, 30, driver at isang high value individual (HVI), at residente sa Taguig City.
Sa report, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa Roldan Street, Purok 2 Brgy. New Lower, Taguig City,dakong 7:00 ng gabi noong Huwebes na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.
Nasamsam kay Sumlay ang limang pakete na naglalaman ng 'shabu,' marked money, belt bag at digital weighing scale.
Itinurn-over ang mga ebidensya sa SPD Forensic Unit para sa laboratory at drug test examination habang inihahanda na ang kasong Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa suspek.
“Lubos kong ikinakatuwa ang kasipagang ipinapakita ng ating mga kapulisan sapagkat sa kabila ng ating mahigpit na pagbabantay sa nalalapit na eleksyon at seguridad ng bawat mamamayan, hindi parin ninyo kinakalimutan ang ating mahigpit na kampanya lalo na sa ilegal na droga na humantong muli sa pagkadakip ng isang High Value Individual (HVI) at pagkakumpiska ng milyong halaga ng illegal na droga. Amin pong sinisiguro na kami ay hindi mapapagod sa aming sinumpaang tungkulin upang labanan ang ilegal na droga, kriminalidad at terorismo,” pahayag ni BGen Macaraeg.