Inatasan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Manila Electric Co. (Meralco) na i-refund ang may ₱7.75 bilyong over-recoveries nito sa loob ng 12 buwan, simula ngayong Mayo, nabatid nitong Huwebes.
Batay sa kautusan ng ERC, inatasan nito ang Meralco na i-refund ang kabuuang halaga na ₱7,755,444,758 sa kanilang residential customers o katumbas ng average refund na 46.69 sentimo kada kilowatt hour (kWh).
Ayon kay ERC commissioner at Spokesperson Rexie Digal, ang naturang halaga ay katumbas ng ₱93 na refund para sa isang residential customer na kumukonsumo ng 200 kWh sa isang buwan.
Nag-ugat ang kautusan sa isinagawang re-computation ng ERC sa regulatory asset ng Meralco base sa 2012 hanggang 2015 period, na nagresulta sa over-recoveries o labis na koleksiyon para sa nasabing panahon.
Dahil dito, inatasan ng ERC ang Meralco na i-refund ang naturang excess collections sa mgaresidential customers bilang hiwalay na line item sa kanilang bills, sa loob ng 12 buwan o isang taon.
Kinumpirma naman ni Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga na natanggap na nila ang naturang kautusan ng ERC na may petsang Marso.
Tiniyak rin ni Zaldarriaga, na siya ring vice president for communications ng Meralco, na tatalima sila sa kautusan ng ERC.
“We confirm the receipt of the ERC’s order dated March 8 on the refund of distribution-related charges totaling ₱7.8 billion,” ani Zaldarriaga sa isang Viber message.
“The refund, which is equivalent to ₱0.47 per kWh for residential customers, will appear as a separate line item in the power bills starting May,” aniya pa.