Bumagsak sa kamay ng awtoridad ang isang miyembro ng Ben Mama Criminal Group na sangkot sa gun-for-hire, illegal drugs at robbery hold-up na kumikilos sa Taguig City, Pasay City, Muntinlupa City, at Parañaque City nitong Huwebes, Mayo 5.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Chief Brig. General Jimili Macaraeg ang nadakip na suspek na si Esmael Wakid, alyas Nashrudin Mama, 39, isang construction worker.

Sa ulat ng pulisya, nakatanggap ng impormasyon ang Intelligence Section ng Taguig City Police kaugnay sa isang armadong lalaki sa Datu Al St., Purok-5, Brgy. Napindan, dakong 2:45 ng madaling araw nitong Huwebes na nagresulta ng pagkakaaresto ng suspek.

Nadatnan ng awtoridad ang suspek na hawak at sinusuri pa ang isang improvised handgun na may isang bala ng M16 cal. 5.56.

National

Mga gabinete, mananatili sa puwesto hanggang sa ma-elbow ni PBBM—Palasyo

Sa isinagawang beripikasyon natuklasang kasapi siya sa Ben Mama Group.  

Nakakulong ang suspek sa custodial facility ng Taguig City Police at nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 10591 o Illegal Possession of Firearm and Ammunition at Omnibus Election Code (Gun Ban).

"Layun po namin na palakasin pa ang aming kampanya laban sa loose firearms, ang mga hindi lisensyadong baril na ito ay maaari pang magamit sa masasamang gawain at bilang seguridad na rin sa lahat ng ating mamamayan lalong lalo na sa papalapit na eleksyon,” sabi ng SPD chief.