Dalawa sina Kapuso Primetime King Dingdong Dantes at Asia's Multimedia Star Alden Richards sa mga bankable actor at frontliners ng GMA Network pagdating sa kanilang mga leading men.
Kaya naman wish ni showbiz columnist na si Lolit Solis, sana raw ay tahakin din ni Alden kung anuman ang nagawa ni Dingdong na hindi lamang sa aktingan kundi maging sa pagdidirehe at pagpo-produs ng shows bilang executive producer. Sana raw ay maging 'daring' sa tatakbuhin ng kaniyang showbiz career si Alden kagaya ni Dingdong.
"Sana tulad ni Dingdong Dantes maging daring din si Alden Richards sa tatakbuhin ng kanyang career, Salve. Sana tulad ni Dingdong, mag-grow din si Alden at pasukin ang pagdidirek ng serye o pelikula. May mata at mahusay ang timing ni Dingdong Dantes sa paggawa ng mga projects, kaya from being a matinee idol, actor, ngayon director na siya at executive producer," sey ni Lolit sa kaniyang Instagram post nitong Mayo 5.
Kaya advice niya kay Pambansang Bae, "Puwede din itong gawin ni Alden, ngayon pa lang palawakin na niya ang ginagalawan niyang mundo, pasukin na rin niya ang pagiging executive producer, at directing. Para lalo pang lumaki ang mundo na ginagalawan niya."
"Parehong very supportive ang team nila, kay Dingdong Dantes si Perry Lansingan, at si Mama Tenten naman kay Alden Richards. Pareho ang guidance na makukuha nila sa mga nagmamahal sa kanila, at sure na magtatagumpay sila. Bongga!"
Sa ngayon ay abala si Dingdong sa pagbabalik-telebisyon nila ni Marian Rivera bilang magkatambal, hindi sa serye kundi sa isang sitcom. May pamagat itong 'Jose and Maria Bonggang Villa'. Siya rin ang host ng game show na 'Family Feud'.
Si Alden naman ay abala na rin sa taping ng Pinoy adaptation ng 'Start-Up' katambal si Bea Alonzo.