Bilang bahagi sa pagdiriwang ng nalalapit na Mother's Day, nagsagawa ng aktibidad ang tanggapan ng Presidential Communications Operations Office na may temang "Alay Para Kay Nanay" sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lokal ng Lungsod ng Las Piñas nitong Miyerkules, Mayo 4.
Layunin nitong bigyang-pagkilala ang dedikasyon at walang kapantay na sakripisyo ng mga dakilang nanay lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Ang PCOO, sa pangunguna ni PCOO Undersecretary for Operations, Good Governance, and GOCCs George A. Apacible, ang nag-organisa ng aktibidad upang kilalanin at papurihan ang kabutihan at mahalagang tungkulin ng bawat nanay sa kani-kanilang tahanan at sa lipunan.
Malugod namang dinaluhan nina Vice-Mayor April Aguilar at BG Party-List First Nominee Ms. Alelee Aguilar- Andanar kasama ang mga benepisyaryong nanay mula sa samahang KALIPI (Kalipunan ng Liping Pilipina) ng Las Piñas City ang nasabing mahalagang kaganapan.
Binigyang-diin ni Ms. Alelee Aguilar-Andanar ang pagkilala sa hindi matatawarang pagkalinga ng mga nanay sa kanilang pamilya.
Bukod pa rito aniya ang napakahalagang ambag nila sa lipunan dahil ang mga nanay ay kaagapay din natin sa paglilinis sa ating kapaligiran.
Personal na pinasalamatan ni Usec. Apacible ang mga nanay sa lungsod dahil sa napakahalaga nilang tungkulin hindi lamang sa kanilang mga anak kundi maging sa ating bansa.
Bilang pasasalamat sa mga nanay ay tumanggap ang mga ito ng munting regalo mula sa PCOO bilang bahagi sa nalalapit na pagdiriwang naman ng Mother's Day.