Hindi na raw kayang bumasa o sumulat ni dating Vice President Jejomar 'Jojo' Binay ayon sa nakarating na ulat kay Mothers’ For Change (MOCHA) Party list first nominee Mocha Uson, bagay na agad na pinabulaanan ng kampo ng senatorial aspirant.
Naghain ng petisyon sa Commission on Elections (COMELEC) nitong Miyerkules, si Uson para beripikahin ng poll body ang ulat ng umano’y pagkakaroon ng dementia ni Binay.
Dagdag ni Uson, wala na sa kanyang maayos na kalusugan si Binay ayon sa balitang nakarating sa kanya.
“Hindi na raw katulad ng dati,” ani Uson.
"Dementia is the loss of cognitive functioning — thinking, remembering, and reasoning — to such an extent that it interferes with a person's daily life and activities," ayon sa isang health website.
“Gusto ko pong malaman ngayon through COMELEC kung may katotohanan po ba,” dagdag ng personalidad.
Aniya, hindi na raw niya dapat itutuloy ang petisyon subalit hindi niya na raw ito kayang ipagsawalang-bahala.
“Hindi ko dapat gagawin. Hindi ko na mai-ignore ang balita. Hindi na raw po siya katulad nang dati,” aniya.
Bagaman umaasa na nasa maayos na kalusugan si Binay, ang payo ni Uson sa kampo ng senatorial aspirant kung sakaling totoo ang balita: “‘Wag natin onsehin ang mamamayang Pilipino.”
Agad namang pumalag ang kampo ni Binay at sabay-sabay na pinabulaanan ang pahayag ni Uson.
“Sa kasalukuyan po ay nasa Isabela pa rin si dating VP Jojo Binay at nangangampanya. Kahapon, May 3, nag-ikot sya sa Cagayan at sa mga bayan ng Isabela. Nagpunta sya sa mga palengke, nagpa-selfie sa mga tao, at kumausap ng local officials,” ani Joey Salgado, tagapagsalita ni Binay, sa isang pahayag, Miyerkules.
“Noon naman pong May 4, nagpunta si dating VP Binay sa Davao City at nag-courtesy call kay vice presidential candidate Mayor Sara Duterte. May 3 naman po, inikot ni dating VP Binay ang mga probinsya sa SOCCSKSARGEN, kumausap ng mga kababayan natin sa mga palengke, at nakipag-pulong sa local officials. Bago po nito ay nasa Pampanga si dating VP Binay kasama si dating Presidente at Speaker Gloria Macapagal-Arroyo,” dagdag niya.
Nilinaw din ni Salgado ang madalang na pagsama ni Binay sa mga presidential rally sa kadahilanang ito ay isa lang guest candidate.
Hinimok rin si Mocha na mag-antabay sa Facebook page ni Binay para sa kanyang pangangampanya.
“This so-called petition is laughable, pathetic, and desperate. Nakakalungkot lang na merong mga gustong siraan ang pangalan ni VP Binay, na malinaw ang track record ng paglilingkod sa ating mga kababayan, dahil pasok sya sa Magic 12 sa senatorial race at sinusuportahan sya ng Iglesia Ni Cristo, kilalang political leaders at local officials, at ng marami nating kababayan,” ani Salgado.