Sinabi ng Department of Education (DepEd) nitong Miyerkules, Mayo 4, na mahigit 37,000 paaralan sa buong bansa ang gagamitin bilang polling precinct para sa pambansa at lokal na halalan sa Mayo 9.

“So sa ngayon, briefly, ang mga schools, 37,219 schools ang gagamitin bilang polling centers. Tapos ang precincts, 106,439 – napakarami ‘no. Marami kasi tayong mga botante,” ani Education Secretary Leonor Briones sa naganap na Laging Handa public briefing.

Dagdag pa ni Briones, mayroong 756,083 poll workers mula sa iba't ibang institusyon. Sa bilang na ito, karamihan, o 647,812 ay mga tauhan ng DepEd.

“Nagiging tradisyon na kasi ang pag-trust sa Department of Education, sa ating mga teachers, to ensure na malinis at tama, accurate ang pagbilang ng mga boto,” aniya.

Sinabi ni Briones na sa mga kalahok na tauhan ng DepEd, 319,000 ang uupo bilang miyembro ng electoral board habang 200,000 DepEd personnel at supervisory officials din ang ta-tap.

“Napaka-intensive ang involvement ng Department of Education sa halalan na ito,” dagdag niya.

Merlina Hernando-Malipot