Sa pambihirang pagkakataon, nagsagawa ng isang natatanging panayam si Unkabogable Star Vice Ganda kay presidential candidate at Vice President Leni Robredo sa pamamagitan ng kaniyang 'The Vice Ganda Network' na umere ngayong Mayo 3 ng tanghali.
"And today, Oh my God, ang tagal-tagal ko nang hindi nag-iinterview ng mga sobrang espesyal na tao! Ngayon ko na lang ulit ito gagawin pero… napakahalaga ng pag-uusap na ito, kaya naman sobrang excited ako na gawin ito at maipalabas ito para sa inyong lahat," panimula ni Vice Ganda.
Hayagang sinabi ni Meme na kasama niya nang mga sandaling iyon ang susunod na pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Natanong ni VG kay VP kung bakit sa kabila ng mahigpit na iskedyul nito sa pangangampanya at pagtupad bilang pangalawang pangulo ng bansa, ay fresh na fresh pa rin ang datingan ni VP Leni.
Ani VP, enjoy kasi siya sa ginagawa niya, lalo na kapag nakakaharap na niya ang mga tao; nawawala raw ang pagod niya.
Sa dami raw ng mga nadaluhang election rallies ni VP, ito raw ang unang beses na nakita niyang masaya, nakangiti, at good vibes ang mga nagsidalo, kahit halos maghapong nakatayo, sobrang init, at walang kain. Ayon naman kay Vice, nakita raw niya sa Leni-Kiko tandem ang 'volunteerism' na talaga raw buhay na buhay. o tinatawag na 'bayanihan'.
Ayon pa kay Vice, talagang nakita sa mga sortie ng Leni-Kiko tandem ang pagboboluntaryo ng bawat isa, lalo na sa mga libreng pagkain para sa mga dumalo. Binanggit ni Vice ang mga campaign rally sa Pasig at Pasay.
"Iyon nakaka-touch talaga kasi kahit ice cream vendor, kahit taho vendor, ayaw magpabayad," segunda naman ni VP Leni.
Hinimok ni Vice ang lahat na kung nais daw maranasan ito, lumahok sila sa campaign rally ng mga Kakampink. Pagkatapos ay nagbigay naman ng testimonya ang host-vlogger batay sa kuwento ng kaniyang mga kakilala na nagsitungo rito.
Iyon daw ang magandang naidulot ni VP Leni sa mga taong naniniwala sa uri ng pamamahalang ipinaglalaban nila.
Umuuwi raw ang mga tao nang masaya kahit pagod, walang pera, at walang masakyan, sey naman ng pangalawang pangulo.
Sabi pa ni Vice, nakikita umano ng mga Kakampink si VP Leni bilang imahe ng pag-asa nila. Sabi naman ni VP Leni, parang uhaw raw ang mga tao sa isang uri ng pamahalaan na may pakiramdam na magkakasama at nagtutulungan ang lahat.
Sa tuwing nakikipagkamay raw si VP Leni sa mga nakakasalamuha niya sa sortie, iisa ang lagi nilang bukambibig; ito raw ay 'salamat sa pagbibigay ng pag-asa'.
Pahayag naman ni Vice, ito raw ay totoong pag-asa at hindi pang-uuto. Sa ilang mga kandidato raw kasi, ipinapalaman sa pang-uuto ang ibinibigay na pag-asa sa mga tagasuporta, bagay na sinuportahan naman ni VP Leni.
Sa halos 25 minutong haba ng vlog ay umikot ang mga tanong ni Vice hinggil sa iba't ibang paksa gaya ng pagkalubog ng nakararami sa utang, mga programa at proyektong inilunsad ng Office of the Vice President lalo na sa kasagsagan ng pandemya, unemployment insurance, financial literacy, at iba pa.
"Masarap maramdaman na ikaw, Ma'am Leni Robredo, ay sinasabing 'Tutulungan ko kayong makaahon diyan'", saad ni Vice.
Isa pa raw sa pinakanagustuhan ni VG kay VP ay ang pagbaba nito sa mga komunidad. Ayon naman kay VP Leni, masaya niyang ginagawa ito dahil alam daw ng mga staff niya na nag-eenjoy siya sa pagtulong, lalo na sa medyo hirap na komunidad.
Sa huli, nang tanungin ni Vice kung ano ang assurance na maibibigay ni VP Leni sa mga Pilipino kapag nanalo siya, sinabi ng pangalawang pangulo na makikita naman umano sa kaniyang track record kung paano niya ginamit ang kaniyang kapangyarihan upang maisagawa ang mga nagawa ng OVP.
Nagbigay rin ng komento si VP Leni sa tinatawag na 'Patronage Politics' o pagtanaw ng utang na loob ng mga tao sa politiko dahil sa kanilang mga nagawa.
"Masusukat mo kung okay yung politiko kapag hindi mo na kailangang lumapit sa kaniya kasi may programa na siya for that," saad ni VP Leni.
Iginiit din ni VP Leni na malinis na pamahalaan ang nais niyang ibigay kung sakaling papalarin siyang maluklok bilang pangulo ng bansa sa darating na Mayo 9.