Plano ng pamahalaan na gawin na ring available sa mga paaralan ang mga Covid-19 vaccines para sa mga batang nagkakaedad ng 5-11 taong gulang.

Ito’y matapos na mahigit kalahati na ng mga pampublikong paaralan sa bansa ang nagbukas na at nagdaraos ng face-to-face classes ngayon.

Sa Talk to the People ni Pang. Rodrigo Duterte na iniere nitong Martes, sinabi ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na ang mga naturang Covid-19 vaccines ay maaaring iturok sa pediatric population sa pamamagitan ng mga infirmary sa mga paaralan.

“’Yun po gagawin natin, sir, pagka um-attend sila — parang ‘yung dati nung mga bata tayo — i-injection-an na tayo ng kanilang mga infirmary ng mga iba’t ibang bakuna like measles, ‘yung sa polio,” ulat ni Duque sa Pangulo.

National

Amihan, easterlies, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

“So, gagawin din natin ‘to for Covid for the basic learners from five to 11 years of age, Mr. President,” aniya pa.

Tiniyak naman ng pamahalaan na may sapat na bakuna para sa pediatric population at madali itong mai-deploy sa mga paaralan upang maiturok sa mga estudyante para mabigyan sila ng proteksyon laban sa virus.

Sa ulat ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones kay Pang. Duterte, nabatid na kabuuang 25,668 o 56.89% na ng mga pampublikong paaralan sa bansa ang balik na sa face-to-face classes, ngayong patuloy nang gumaganda ang lagay ng COVID-19 pandemic.