Naka-deploy na ang lahat ng vote counting machines (VCMs) na gagamitin para sa nalalapit na halalan sa bansa sa Lunes, Mayo 9.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) commissioner George Garcia, 100% na ng 106,000 VCMs at karagdagan pang 1,000 VCMs para sa contingency ang naideliber na nila sa oras para sa isasagawang final testing at sealing sa mga ito, mula Mayo 2 hanggang sa Mayo 7.
“More or less 100% po tayo [delivered] sa buong Pilipinas sapagkat kinakailangan ma-deliver ‘yan ngayon at kahapon dahil nagsimula na ‘yung ating final testing and sealing,” pahayag pa ni Garcia, sa panayam sa telebisyon nitong Martes.
Muli rin namang hinikayat ni Garcia ang publiko, mga poll watchers, mga kinatawan ng political parties, at iba pang stakeholders na magtungo sa polling precincts sa buong bansa upang saksihan ng personal ang testing at sealing ng mga VCMs.
Ipinaliwanag ni Garcia, kung ang VCM ay mag-print ng zero receipt, indikasyon ito na ito ay walang laman.
Bawat presinto aniya ay gagamit ng 10 orihinal na balota para sa halalan at maaari itong i-test ng mga bisita.
Tiniyak rin niya na may mga itinakdang contingency measures ang Comelec, sakaling magkaroon ng malfunction ang mga VCMs.
Ang mga sirang VCMs ay kaagad rin aniyang papalitan.
Magde-deploy rin aniya ang poll body ng mga trained technicians para ayusin ang mga VCMs.
Siniguro rin naman ng poll official sa publiko na ang pitong oras na glitch na nangyari noong 2019 elections ay hindi na mauulit pang muli.
“Meron tayong source code na dineposito sa Bangko Sentral ng Pilipinas. At the same time, ginagarantiya ng ating Steering Committee na hindi na mangyayari ang glitch na nangyari nung 2019. Nalaman na po natin ang dahilan and we learned from that lesson,” aniya pa.