Iniulat ng Department of Education (DepEd) kay Pang. Rodrigo Duterte na kabuuang 25,668 o 56.89% ng mga pampublikong paaralan sa bansa ang balik na sa face-to-face classes, ngayong patuloy nang gumaganda ang lagay ng COVID-19 pandemic.
Sa kanyang presentasyon sa Talk to the People ni Pang. Duterte nitong Martes, sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na aabot sa 5,948,640 mag-aaral mula sa mga pampublikong paaralan mula sa lahat ng grade levels, ang kalahok sa face-to-face classes.
Ang naturang bilang aniya ay 25.61% ng kabuuang 23,230,898 total enrollees sa public school sector ngayong School Year 2021-2022.
Samantala, iniulat rin ni Briones na nasa 676 pa lamang ang mga private schools o 5.47% ng kabuuang bilang nito ang nagpi-face-to-face classes na.
Inaasahan aniyang aabot sa 226,991 estudyante o 7.09% ng mga private school learners ang kalahok dito.
Sa kabuuan, nabatid na mayroon nang 6,175,631 estudyante ang nagsasagawa ng face-to-face classes sa may 26,344 paaralan sa buong bansa.
Kaugnay nito, sinabi ni Briones na napaka-ironic na sa kasagsagan ng debate kung ibabalik ba ang face-to-face classes kahit may pandemya pa, ay marami ang humihiling na maibalik na ito.
Ngayon naman aniyang inaprubahan na ng DepEd ang face-to-face classes ay nasa 676 pribadong paaralan pa lamang ang lumahok dito.
“It is ironic that at the height of the debates on face-to-face schooling, there were many demands for face-to-face, but now that we have approved it, there are only 676 private schools opening face-to-face,” pahayag ng kalihim.
Ang pilot testing ng face-to-face classes sa bansa ay sinimulan noong Nobyembre 2021 para sa ilang private at public schools.
Noong Pebrero naman, binigyan na ng DepEd ang mga regional directors ng awtorisasyon upang simulan ang progressive expansion ng face-to-face classes kasunod nang pag-apruba ni Pang. Duterte sa rekomendasyon para dito ng kagawaran.