Labis na ipinagmamalaki ni Aksyon Demokratiko standard bearer at Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang isang bago at modernong paaralan na maihahalintulad sa pribadong paaralan at marami ring green at open spaces na akma para sa kasalukuyang nagaganap na pandemya.
Ang tinutukoy ni Domagoso ay walang iba kundi ang bagong Dr. Albert Elementary School (DAES) sa Sampaloc na malapit nang matapos ang konstruksiyon.
Ang naturang paaralan ay dinalaw nila nitong Martes kasama sina city engineer Armand Andres, city architect Pepito Balmoris at city electrician Randy Sadac.
Ayon kay Domagoso, ang nasabing paaralan ay isa lamang sa apat na paaralan na muling itinayo ng pamahalaang lungsod para sa inaasahang paglaki ng populasyon at may disenyong naaayon sa makabagong panahon.
"Gusto naming ma-achieve ang world ratio... 'yung old buildings against sa paglago ng populasyon, pagsikip ng classroom," ayon pa kay Domagoso.
Idinagdag din niya na kayang mag-accomodate ng DAES ng 15,000 estudyante kapag natapos na.
Ipinaliwanag ni Domagoso na isa sa mga hamon na hinaharap ng highly-urbanized cities (HUC) tulad ng Maynila, ay ang kawalan ng espasyo, kaya naman naisip niya at ng kanyang team na gamitin ang parehong espasyo pero pataas.
Sa sukat na halos dalawang ektarya, sinabi ni Domagoso na ang ten-storey, fully-airconditioned school ay mayroon ding amphitheaters, gym na kasama sa gusali pati na rin ang mga luntiang espasyo at tanawin.
Samantala, nabatid na ang iba pang paaralan na undergoing construction ay ang Manila Science High School, R. Almario Elementary School at R. Magsaysay High School.
Sinabi ni Domagoso na sa halip na konkreto, ang nasabing eskwelahan ay gagamit ng mga railings bilang enclosures upang siguruhin ang pasok ng sariwang hangin. Sinabi pa ni Domagoso na ang interes ng mga batang gagamit ng paaralan ang nasa isip niya.
Bilang produkto rin ng pampublikong paaralan, sinabi ng alkalde na ang nasabing bagong eskwelahan ay magkakaroon ng kapaligiran na akmang-akma sa pagkatuto.
Binigyan naman ng kredito ni Domagoso sina Vice Mayor Honey Lacuna, Congressman Yul Servo, Congressman Edward Maceda, Andres, Sadac, Balmoris, division of city schools superintendent Magdalena Lim at ang lahat ng city councilors sa naging tulong nito at suporta na nagbigay daan para sa pagtatayo ng DAES.
“Maswerte ang mga anak ko nakapag-aaral sa pribado. Gusto ko ipadama sa anak ninyo ang natitikman ng mga anak ko--- maginhawa, maaliwalas at may sapat na pasilidad upang pinuhin ang mga nag-aaral sa pampublikong paaralan," ayon pa sa alkalde.
Sinabi ni Moreno na dahil produkto siya ng public school ay alam niya ang problema sa loob at labas ngpublic schools. Kaya naman nais niyang maranasan ng estudyante sa public schools kungano ang nararamdaman ng mga estudyante saprivate school.