May mahalagang mensahe ang Filipino host-actor at advocate na si Dingdong Dantes sa mga botante para sa darating na lokal at nasyonal na eleksyon sa Mayo 9.
Sa panayam ni Bianca Gonzales-Intal sa kanyang YouTube channel, personal na nakipagtalakayan si Dingdong Dantes upang sagutin ang tanong na "Paano ba pumili ng mga iboboto?" isang special talk episode na tumutulong linangin ang kaisipan ng mga botante upang pumili ng karapat-dapat na kandidatong ihahalal.
Para kay Dingdong, ang darating na eleksyon ay isa sa pinakamahalagang halalan ngayong henerasyon dahil nakasalalay dito ang recovery hindi lang ng Pilipinas kundi ng buong mundo.
"Ang base sa mga observations ko and discernment, sa palagay ko, ito ay isa sa pinakamahalagang eleksyon ng ating henerasyon. 'Yung upcoming elections is really about 'yung recovery — socio-economic recovery — hindi lang ng bansa, kundi ng buong mundo. Pero syempre, focus lang muna tayo dito sa atin," ani Dingdong.
Dagdag pa niya, magiging makahulugan ang resulta ng halalan dahil nakasalalay dito ang hinaharap ng mga kabataan, at ang mga susunod na lider ang haharap sa kasalukuyang problema tulad ng pandemya.
Aniya, "Higit sa lahat, like what you said, it's about the future of our children. This is about choosing a kind of leadership whom we think we deserve and is capable of addressing the challenges of the pandemic and all the other problems."
Kaya naman, ibinahagi na rin ni Dingdong ang kanyang paraan sa pagpili ng ibobotong kandidato. Inilarawan pa niya ang kanyang proseso ng pagpili nang tulad sa pag-aaral niya ng script tuwing siya ay umaarte.
Nakapaloob sa kanyang proseso ang tatlong dapat tandaan: plan, discernment, at act.
Ani Dingdong, sa pagpili ng bagong lider, nakapaloob dito ang pagre-research — mula sa mga credible source — paghahanap ng inspirasyon, pakikipag-usap sa mga tao higit lalo ng mga vulnerable, at alamin ang sentimento ng pangkalahatan.
Pasok naman sa discernment ang pagse-set ng values na nais mo sa isang lider. Para kay Dingdong ang lider na nais niya ay may integridad, competent, may pagpapahalaga sa humanidad.
At higit sa lahat, ani Dingdong, mahalaga ang act na kung saan ay ine-excercise ang karapatang bumoto.
Aniya, "Para sa atin, for us citizens, it is our part to execute our right to vote and this is our part to prove that we are responsible citizens in participating in this democratic process."
Giit naman ni Dingdong, hindi natatapos ang responsibilidad ng bawat isa pagkatapos ng eleksyon dahil manalo man o matalo ang kandidatong sinuportahan ay dapat na pinaninindigan ng bawat isa ito.
"Kailangan win or lose papanindigan mo 'yung kandidato mo. Kasi ang binoboto mo ay representation ng pangarap mo. Ito ay representation ng values mo, representation ng paniniwala mo. Hindi mismo 'yung tao lang because 'yung taong ito ang maaaring magdadala sa iyo o sa buong bansa doon sa paniniwalang 'yun," saad ni Dingdong.
"So, sana 'wag mong bitawan 'yun. Matalo man o manalo, syempre ibig sabihin, you also have to be responsible of your vote. Kung 'yung taong binoto natin ay nanalo at gumawa ng mabuti, then susuportahan natin. Pero kung 'yung taong binoto natin ay hindi na tumugma doon sa expectations, syempre, we call them out. Kasi kailangan responsable ka rin doon sa paniniwala at paninindigan. So it does not end on May 2022. It i a continuing process na dapat hindi tayo mapagod. Kasi hindi lang 'to parang one time thing na because everybody is excited and all of sudden, bibitiw tayo dahil tapos na," dagdag pa niya.
Lubos namang nagagalak si Dingdong sa nagaganap na volunteerism na aniya, nawa'y ipagpatuloy pa ng publiko.
Hiling naman niya na maging mapayapa, maayos, at "credible" ang resulta ng darating na halalan.