Tatlong pinaghihinalaang miyembro ng New People's Army (NPA) ang napatay nang makasagupa ang mga sundalo sa boundary ng Albay at Sorsogon nitong Lunes ng hapon.
Sa report ng militar, isa pa lamang sa mga napatay ay nakilala sa alyas "Bong" na pinuno umano ng kilusan.
Bago ang sagupaan, nakatanggap ng impormasyon ang mga miyembro ng 9th Infantry Division (Spear Division) ng Philippine Army (PA) na isang grupo ng mga armado ang namataan sa hangganan ng Brgy. Buenavista, Pio Duran sa Albay at Brgy. Sta. Cruz, Donsol sa Sorsogon nitong Lunes ng hapon.
Pagdating sa lugar, bigla na lamang umanong pinaputukan ng mga rebelde ang mga sundalo kaya nagkaroon ng barilan na tumagal ng 10 minuto na ikinasawi ng tatlo.
Sinabi pa ng militar na narekober sa pinangyarihan ng engkuwentro ang tatlong baril, kabilang ang dalawang Armalite rifle at isang Cal. 45 pistol.
Tiniyak din ng tropa ng pamahalaan na paiigtingin pa nila ang kampanya laban sa mga rebelde sa Bicol region, lalo na ngayong panahon ng eleksyon.