Nanawagan si presidential aspirant at Vice President Leni Robredo na palayain na si Senador Leila De Lima dahil isa-isa na umano binabawi ang mga testimonya na naging batayan sa pagpapakulong sa senador.

"Mahigit limang taon nang nakakulong si Senator Leila de Lima, pero kahit isang gramo ng ilegal na droga, kahit isang pahina ng documentary evidence, walang naihain laban sa kanya," saad ng bise presidente sa kanyang opisyal na Facebook page nitong Lunes, Mayo 2.

"Ngayon, pati ang mga testimonyang ginamit na batayan ng pagpapakulong kay Sen. Leila ay isa-isa nang binabawi ng mga nagbigay nito," dagdag pa niya.

Sinabi rin ni Robredo na ang tanging kasalanan lamang ni De Lima ay ang magsabi ng totoo at ipagtanggol ang karapatan ng mga Pilipino.

"Patunay lang ito ng katotohanang matagal ko nang iginigiit: Walang kaso laban kay Sen Leila de Lima. Ang tanging kasalanan niya ay ang magsabi ng totoo at ipagtanggol ang karapatan ng mga kapwa natin Pilipino," aniya.

Panawagan ni Robredo na palayain na ang senadora, aniya, "wala nang dahilan para manatili sa piitan si Sen Leila. Dapat na siyang palayain sa lalong madaling panahon. Kaisa ko ang bawat Pilipinong naniniwala sa hustisya sa panawagan: Free Leila now."

Matatandaan na nauna nang binawi ng umano'y drug lord na si Rolan "Kerwin" Espinosa ang kaniyang testimonya na nakipag-ugnayan siya sa nakakulong na si Senador Leila De Lima sa ilegal na droga.

“I have no dealings with Sen. De Lima and I have not given her any money at any given time,” ani Espinosa.

"Any statements I made against the Senator are false and were the result of pressure, coercion, intimidation, and serious threats to my life and my family members from police who instructed me to implicate the Senator into the illegal drugs trade,” dagdag pa niya.

Ngayong araw, Mayo 2, binawi ng dating Bureau of Corrections OIC at star witness na si Rafael Ragos ang kaniyang naging pahayag laban kay De Lima. Aniya, binantaan lamang siya ni Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre kasama ang iba pang mga personalidad ng DOJnoong 2016para tumestigo laban kay De Lima.