Muling ibinahagi ni Unkabogable Star Vice Ganda ang video clip ng emosyunal na episode ng kaniyang defunct game show na 'Everybody, Sing!' noong Agosto 2021, kung saan naantig ang kaniyang damdamin sa isa sa mga kalahok na nagngangalang 'Harra' na natitiis umanong hindi kumain sa buong araw upang magparaya sa kaniyang pamilya.

Pero this time, ang layunin nito ay upang muling ipagdiinan ang pag-endorso niya kay Vice President Leni Robredo.

Sa naturang episode, mga manggagawa sa pabrika ang naimbitahang maging kalahok sa naturang community game show. Masayang-masaya si Vice dahil nakuha nila ang jackpot prize na ₱500K na paghahati-hatian ng lahat.

Ang kuwento ng contestant na si Harra, isang factory worker, ay talaga namang nakapagpakurot sa puso ni Vice, lalo na nang malaman niyang hindi na halos kumakain ang nany at tatay nito para lamang magparaya sa kaniyang mga kapatid.

Basahin: https://balita.net.ph/2021/08/31/sana-sa-eleksyon-tayo-ang-manalo-vice-ganda/">https://balita.net.ph/2021/08/31/sana-sa-eleksyon-tayo-ang-manalo-vice-ganda/

"Hindi ko kasi kaya ‘yung istorya ni Harra. Hindi kumakain ‘yung nanay at tatay niya kasi hindi sapat. Hindi ko kaya ‘yun, na uuwi siya, tapos mangyayari na naman ‘yun sa kanila,” giit ni Vice Ganda, na aminadong mapagmahal sa kaniyang pamilya, lalo na sa kaniyang nanay.

Kuwento ni Harra, siyam silang magkakapatid at masaklap pang natanggal siya sa trabaho lalo't kasagsagan pa noon ng mahigpit na quarantine protocols dahil sa pandemya.

“Hindi nakakakain ‘yung nanay at tatay mo dahil hindi talaga kasya. Nakakadurog iyon ng puso, tapos may mababalitaan ka na may mga government officials na hindi pa sapat ‘yung yaman nila, kumukuha pa ng pera,” dagdag ni Vice, na pumapatutsada sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.

“Dapat pinaghahati-hatian n'yo na ‘yun, eh, iyong ilang bilyon na nawawala, pero hindi natin maipaliwanag kung kanino napunta, kung sino ang guminhawa doon," giit pa ng host.

Kaya naman, nangako si Vice na tutulungan niya si Harra, lalo na sa pagbabayad ng renta ng bahay.

Nang makuha nga ng 'songbayanan' ang jackpot prize, emosyunal na nagbitiw ng kaniyang mensahe si Vice.

"I am so happy. Masayang masaya kayo, at masayang masaya kami, kahit siguro ‘yung mga nanonood sa bahay… Hindi ko kayo kilalang lahat, hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa bahay ninyo, pero nararamdaman ko kayo. Maliit na tulong ito, itong bigay namin sa inyo. Bukod sa fun, bukod sa entertainment, gusto namin kayong tulungan. Kung puwede lang namin kayo tulungan lahat. Maliit lang naman ‘yan, pero ang sarap sa pakiramdam."

Sa pagtatapos ng show, naisingit pa ni Vice na sana umano, taumbayan ang manalo sa paparating na National Elections sa 2022.

“Ang sarap sa pakiramdam ng nananalo, ‘no? Kung puwede lang sana tayong nananalo every day. Kaya sana sa eleksyon, tayo ang manalo. Hirap na hirap na kayo, o. Kaya sana sa eleksyon tayo ang manalo,” aniya.

Sa kaniyang tweet nitong Mayo 1, dahil nagdeklara na siya ng pagsuporta kay presidential candidate at Vice President Leni Robredo, ginamit niya ang pahayag na iyon upang i-endorso siya.

"Hirap na hirap na kayo. Kaya sana sa eleksyon kayo naman ang manalo.'Ipanalo natin ang ating bayan, ang ating mga pamilya, ang ating mga sarili. Kay Leni Robredo TAYONG MGA PILIPINO ang panalo," saad ni Vice.

Noong Abril 23, unang pagkakataong sumama si Vice sa sortie ng Leni-Kiko tandem, kasabay ng kaarawan ni VP Leni.

Panoorin ang video ng naturang episode ng "Everybody, Sing!" via ABS-CBN Entertainment: