Pinayuhan ng isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) ang milyun-milyong botante sa bansa na magdala ng "kodigo" sa kanilang pagboto sa Lunes, Mayo 9.
Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, sa halip na ilagay sa cellphone, ay mas makabubuting magdala na lamang ng listahan ng mga iboboto ang mga botante, upang maiwasan na maabala at maging mas mabilis ang kanilang gagawing pagboto.
“Kung ako sa inyo papel na lang ang dadalhin kong kodigo.Huwag na kayong magbukas ng cellphone baka mapaaway pa kayo sa mga watcher sa pag-aakalang kinukunan ninyo ang inyong balota na ipinagbabawal,” pahayag pa ni Garcia nitong Lunes.
Mahigpit din ang paalala ni Garcia sa mga botante na iwasan din ang mag-selfie sa loob ng polling precinct dahil nakaaabalapa ito nang pagboto.
Kaugnay nito, muli ring tiniyak ni Garcia na walang botante na pauuwiin at lahat aniya ay bibigyan ng pagkakataong makapaghalal ng kanilang napupusuang kandidato.
Paniniguro pa niya, hindi na kailangan na magsuot pa ng face shield, magpakita na lamang ng RT-PCR test, at vaccination ID,sa pagtungo sa polling precinct, dahil sapat na aniya na nakasuot ng facemask ang botante.
Nabatid na lahat ng botante ay kukunan muna ng temperatura bago bumoto.
Ang mga mataas ang temperatura ay pagpapahingahin muna at saka muling kukunan ng temperatura.
Kung talagang mataas pa rin ang kanyang temperatura, ang naturang botante ay dadalhin sa isolation voting area para doon bumoto.
Maging ang mga botanteng kakikitaan ng sintomas ng COVID-19 ay sa isolation voting area na rin boboto na hindi naman kalayuan sa regular na voting precinct.
Muli rin namang pinaalalahanan ni Garcia ang mga botante na huwag nang tumambay sa presinto.
Hindi na rin aniya dapat pang magsama ang mga ito ng mga bata sa pagboto lalo na at nananatili pa rin ang banta ng COVID-19.
ReplyForward