Umabot sa 1,399 na kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) ang naitala sa Pilipinas mula Abril 25 hanggang Mayo 1.Sa weekly Covid-19 updates ng DOH, ang average ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 200 o mas mababa ng 5% kung ikukumpara sa mga kaso na naitala noong Abril 18 hanggang 24.

Ang mga bagong kaso naman anila ay pawang asymptomatic at mild cases lamang at walang may malubha at kritikal na karamdaman.

Mayroon namang naitalang 215 na binawian ng buhay, kabilang ang 40 na naganap noong Abril 18 hanggang May 1.

“Noong ika-1 ng Mayo 2022, mayroong 723 na malubha at kritikal na pasyenteng naka-admit sa ating mga ospital dahil sa COVID-19,” anang DOH.

Binanggit din ng ahensya na sa 2,830 ICU beds para sa mga pasyenteng may Covid-19 ay nasa 456(16.1%) ang okupado habang 16.3% naman ng 24,521 non-ICU Covid-19 beds ang kasalukuyan ding ginagamit.

Kaugnay nito, inanunsiyo ng DOH na mahigit na rin sa 67 milyong indibidwal o 75.45% ng target na populasyon, ang bakunado na laban sa Covid-19.

Nasa 13.2 milyong indibidwal naman anila ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.

Panawagan muli ng DOH, huwag maging kampante sa banta ng nabanggit na sakit na posible pa ring biglang tumaas ang kaso- anumang oras.

“Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1,” ayon pa sa DOH.