Iniulat ng independent monitoring group na OCTA Research nitong Linggo na tumaas ng 7% ang mga bagong COVID-19 cases na naitala sa National Capital Region (NCR).
Sa kanyang Twitter account, sinabi ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na ang average COVID-19 cases sa Metro Manila ay nasa 85 ngayong linggong ito. Mas mataas aniya ito sa 79 lamang noong nakaraang linggo.
“The NCR had a one week growth rate of 7% as the 7-day average in new Covid-19 cases increased from 79 (as of April 17 to 23) to 85 (as of April 24 to 30),” tweet pa ni David.
Samantala, ang reproduction number sa NCR ay tumaas rin sa 0.79 mula sa dating 0.66 sa kahalintulad na panahon.
Ang healthcare utilization para sa COVID-19 naman ay nananatili aniyang nasa very low sa 21% habang ang intensive care unit utilization ay nasa 19% naman.
“The positivity rate in the NCR remained at 1.4% over an average of 11,544 tests per day,” anito pa.
Paglilinaw naman ni David, nananatili pa ring nasa low risk sa COVID-19 ang NCR hanggang noong Abril 30, 2022.
“NCR is still at LOW RISK as of April 30,” aniya.