Kinoronahan bilang bagong Miss Universe Philippines si Celeste Cortesi mula sa Pasay City, sa naganap na coronation night nitong gabi ng Abril 30, 2022 sa SM Mall of Asia Arena, Pasay City.

Ipinasa ni Miss Universe Philippines 2021 Beatrice Luigi Gomez ang kaniyang korona sa 24 anyos na si Celeste nang gabing iyon; present din si Miss Universe Philippines 2020 at Kapuso actress na si Rabiya Mateo, kasama ang kaniyang boyfriend na si Kapuso actor Jeric Gonzales.

Si Michelle Dee ng Makati City ang itinanghal na Miss Universe Philippines Tourism habang si Pauline Amelinckx naman ng Bohol ang Miss Universe Philippines Charity.

Si Annabelle Mcdonnell ng Misamis Oriental ang first runner-up at si Maria Katrina Llegado ng Taguig City ang second runner-up.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Ang nagsilbing mga host nito ay sina Miss Universe queens Pia Wurtzbach, Iris Mittenaere, at Demi-Leigh Tebow.

Ang mga hurado naman ay sina Binibining Pilipinas Universe 2006 Lia Andrea Moss, Richelle Singson-Michael ng LCS Group, RS Francisco at Sam Verzosa ng Frontrow, Dr. Jennifer Olay, Tonee Co-See ng Aqua Boracay, mga abogadong sina Francis Padua-Papica at Margarita Gutierrez, at modelong si Joshua Sorrentino, at Miss Universe 2021 Harnaaz Sandhu.

Nagtanghal naman sina Bamboo, Sam Concepcion, Francisco Martin ng American Idol fame, JM Bales, Arthur Nery, EZ Mil at Morissette Amon.

Ang tanong sa kaniya sa Q&A na ibinato ni Pia Wurtzbach ay "If you could stop time for a day, how would you spend it?"

"If I could stop time, I would spend it with my family, especially my mother. It’s been two years since I haven’t spent time with my family because they live in Italy, and I came here to the Philippines just by myself. If I had a chance to spend one day, I would definitely be with my mom, and I would just tell her how much I love her and I miss her."

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na binuksan sa live audience ang coronation night dahil sa mas maluwag na alert level kaugnay ng pandemya.

Hindi ito ang unang beses na lumahok at nagkatitulo sa isang beauty pageant si Celeste. Siya ang itinanghal na "Miss Earth Philippines 2018". Ipinanganak siya at lumaki sa Italy; ang kaniyang ina ay Pilipina at ang ama naman ay Italyano. Hindi naglaon, nanirahan siya sa Pilipinas at nagtrabaho bilang isang modelo.

Bukod sa titulong Miss Universe Philippines, nakuha rin ni Celeste ang "Best in Swimsuit".

"I gave my best tonight and all the hard work has paid off. I'm excited for what’s next. I cannot wait to start my training, I cannot wait to work with the organization. This is what I wanted for a long, long time," saad ni Celeste sa panayam sa kaniya pagkatapos ng coronation night.

Samantala, ang bagong korona na gawa ng "Jewelmer" ay tinawag na 'La Mer en Majesté' o 'The Sea in Majesty' na napapalamutian ng golden South Sea Pearls.